Formal closure kailangan ba sa tapos nang relasyon?

Aminin natin na walang perpektong relasyon.

Nagiging matatag ito kung sa mga pinagsasamahan at pinagdadaanan ng dalawang taong nagmamahalan ay naroon ang pagharap at pagtanggap sa iba’t ibang bagay upang malutas ang anumang isyu, mapag-ibayo ang koneksyon sa isa’t isa para mas humaba ang pagsasama.

Pero kung may dapat tapusin dahil sa isyu – biglaan o paulit-ulit ito – iniisip natin na kailangang maharap ang problema dahil baka sakaling maremedyohan pa. Pero kung ramdam ninyo namang may kakaiba na, na parang papunta na sa katapusan ang pagsasama, maghihintay pa ba kayo ng pormal na usapan para magkaroon ng pormal na closure ang pagsasama?

Kapag hindi nakayanan ang sakit sa isang relasyon posible kayong bumitiw.

Kung lumulutang lang sa hangin ang relasyon o hindi na alam kung nasaang estado na ito, aayaw ang isang tao ngunit maghihintay ito ng closure mula sa partner.

Sense of finality ang katumbas ng closure para sa marami. Pakiramdam kasi ng naghihintay ay para siyang kaluluwang hindi matahimik.

Nariyan na patuloy na idinidikta ng isip na nangangailangan ng pag-uusap kung maaayos pa ba o hindi na ang isang relasyon. Kapag wala nang patutunguhan ang relasyon, ang simpleng pormal na pamamaalam ang higit na inaabangan, iyan din ang sinasabi ng puso.

Ang closure ay hindi laging present sa isang relasyong nagtatapos o tapos na. Hindi porke nasaktan at bumigay kayo ay makakaasa ng pormal na pag-uusap sa minamahal ninyo. Ito ay dahil hindi pare-parehas ang tao sa pagharap ng problema dahil puwedeng ayaw nilang harapin ito dahil sadyang wala silang pakialam.

Kung hindi na siya nakikipag usap sa iyo, kung lumayo na siya, kung sobrang nahihirapan ka na, ang closure na hinihintay mo ay sa iyo na dapat magsimula.

Self-respect. Lagi kang magtitira nito.

Closure pa ba? Move on na.