Food safety nakabase sa paglalagay sa refrigerator

Sa panahon ngayon, may kanya-kanya tayong estilo o paraan ng pagtitipid dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Ang isa sa pangunahing binibigyang pansin sa pagtitipid ay ang hindi masayang ang mga pagkain kahit pa umabot ito ng ilang araw at ito ay sa pamamagitan ng tamang paglalagay sa refrigerator.

Sa pag-iimbak ng pagkain sa refrigerator, kailangan ay may sapat din tayong alam sa kung paano ito gamitin para kahit nasa loob ang mga pagkain ay manatili pa rin itong ligtas kainin. May mga pagkain kasing prone sa pathogen growth.

Ang pathogen (infectious agent) ay organism na nagdadala ng sakit sa host nito.

Ang immune system ng katawan ng tao ay nagsisilbing depensa laban sa mga pathogen. Kaya ng ating katawan na labanan ang ilang mga pathogen, ngunit ang iba ay maaari nating ikamatay.

ANONG PARAAN PARA MAGING LIGTAS KAININ ANG IIIMBAK NA PAGKAIN SA REFRIGERATOR?

Dapat nating tandaan na may mga pagkaing na naglalaman ng food source, tulad ng carbohydrates o protina, at moisture na kailangan ng bacteria para lumaki. Kung hahayaan na manatili sa danger zone ng temperatura (5°C -57°C) nang masyadong matagal, maaaring lumaki ang mga pathogen sa punto na ang pagkain ay nagiging mapanganib nang kainin. Dapat silang palaging naka-imbak sa refrigerator upang maiwasan ang paglaki ng mga pathogen sa mga mapanganib na antas.

Ang mga pagkaing ito ay:

* Gatas at iba pang produktong may gatas tulad ng keso at yogurt

* Itlog

* Mga karne, manok, isda, at shellfish

* Mga lutong pagkain tulad ng patatas, kanin at mga gulay

* Hilaw na sprouts at hiwang madahon at maberdeng gulay

* Hiwang melon

* Hiwang kamatis

* Bawang sa mantika

Ang mga pagkaing nabanggit ay nahahanay sa time/temperature control for safety na prone sa pagdami ng pathogen.

Maging maingat din sa mga pagkaing naglalaman ng mga pagkaing nabanggit. Ang mga anyong salad na may kamatis, itlog, o gulay ay dapat maayos na nakalagay sa refrigerator at manatiling malamig ito. Mas mainam kung ito ay nasa tamang lagayan na may takip.

Dapat nasa maayos din ang iba pang pagkaing ilalagay sa refrigerator o freezer. Iayon ito sa temperatura ng pagluluto ninyo.

Dapat tandaan na ang mga pagkaing may mas mababang temperatura ng pagluluto ay dapat nakapuwesto sa itaas, habang ang mga pagkaing kailangang lutuin sa mas mataas na temperatura ay dapat na nasa ibaba. Ang pag-aayos ng refrigerator sa ganitong paraan ay daang mapapanatili ang pagkain at mas ligtas kainin, dahil ang anomang bakterya na tumagas mula sa pagkain sa itaas ay papatayin habang niluluto ang pagkain sa ibaba.

Samantala, ang mga pagkaing handa nang kainin ay dapat na nakaimbak sa tuktok na istante, na sinusundan ng mga gulay na lulutuin sa 57°C, buong karne at pagkaing-dagat na lulutuin hanggang 62°C, giniling o mekanikal na pinalambot na karne na lulutuin hanggang 65°C, at huli ay poultry, casseroles, at stuffed pasta na lulutuin hanggang 73°C.

MGA DAPAT PANG TANDAAN

– Kapag namalengke ng mga pagkain tulad ng mga karne at mga gulay, siguraduhin na kapag umuwi ng bahay ay maasikaso ito. Kailangang malinisan agad, mailagay sa tamang lagayan at maipasok nang maayos sa refrigerator.

– Dapat na makonsumo agad ang mga ready-to-eat na mga pagkain. Hindi ito dapat magtagal nang sobra dahil papasukan ng bacteria na Listeria. Ang listeria ay isang foodborne bacterial illness na delikado para sa mga buntis, senior citizens na mahihina ang resistensya.

– Anomang pagkain na hindi na maganda ang amoy, texture, o lasa ay agad nang itapon kaysa pagmulan ng pagkasira ng tiyan o pagkalason.

– Hindi rin tamang punom-puno ang refrigerator na hindi na makaiikot ang hangin dito.