Flowers-for-Lolas at ang comfort women

Dahas ng mga Hapon sa nakalipas

Ang Flowers-for-Lolas ay isang advocacy campaign na nagsusulong sa karapatan ng comfort women o mga Pilipinang dumanas ng sekswal na pang-aalipin mula sa mga Hapon noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong Setyembre 18, 1992 sa edad na 65, si Lola Maria Rosa Henson ang kauna-unahang Pinay na naglakas-loob na lumabas at sinimulang isalaysay sa publiko ang kanyang madilim na karanasan sa mga Hapon. Katorse lamang siya nang unang mapagsamantalahan noong Pebrero 1942.

Ang pagbabahaging ‘yon ni Lola Rosa ay naging daan para mabuo ang naturang kampanya. Bago siya pumanaw noong Agosto 18, 1997 ay nasundan din ito ng paglabas pa ng mga tulad niya upang magkaroon ng hustiya ang kanilang sinapit. Sila ay nasa 400 kababaihan.

Noong Setyembre 2022 ang ika-30 anibersaryo ng Flowers-for-Lolas, sa panahong ito ay tatlo na lamang ang nabubuhay na comfort women na dumalo sa okasyon. Ito ay sina Estelita Dy na edad 92 (14 lamang nang maging biktima ng mga Hapon), Narcisa Claveria na edad 91 (12 noon) at Fidencia David na edad 96 (14 noon).

Ayon kay Atty. Dennis Gorecho, advocate ng Flowers-for-Lolas, ibinahagi rin sa kanila ni Lola Narcisa ang hirap na kanilang sinapit mula sa mga Hapon. Bata siya noon nang abusuhin. Sinunog din ang kanilang nayon. Ang kanyang ama ay tila kalabaw na binalatan nang buhay dahil hindi makasagot sa mga tanong ng mga Hapon habang ang dalawa niyang kapatid na mga edad 4 at 5 ay binayoneta na para sa mga Hapon ay walang mga silbi.

Marami ring mga lalaki noon na pinutulan ng ari at dila habang ang iba ay mga sinabit at sinunog nang buhay. Matapos nito ay binitbit pa ang mga babae para maging alipin ng mga Hapon.

Comfort women sa Pilipinas

Tinatayang 1,000 ang naging comfort women na Pilipino. Sinasabi ring may 12 comfort stations ang nasa Maynila noong panahon ng giyera, sa pananakop ng mga Hapon.

Comfort women sa iba’t ibang bansa

Sa tala, tinatayang nasa 200,000 ang naging comfort women ng mga Hapon pero sa aktuwal na bilang ay maaaring mas mataas pa ito.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, higit na naging biktima ng seksuwal na pang-aabuso ay ang mga kababaihan ng Korea (na noon ay teritoryo ng Japan), Taiwan, Pilipinas, Malaysia, China, the Netherlands, at iba pa. Kabilang din dito ang mamamayang Dutch na naninirahan noon sa Indonesia.

Dito sa Pilipinas, 174 comfort women ang naghayag o piniling magkuwento ng kanilang karanasan. Marami ang piniling manahimik huwag lamang magambala pa ng madilim nilang nakaraan. Sa 174 na comfort women ay ilan na lamang sa kanila ang nabubuhay.

Mga dinanas ng comfort women mula sa mga Hapon

Sinasabing mahigit sa 12 comfort stations ang nakakalat noon sa buong bansa ngunit hindi naidokumento ang totoong bilang nito.

Sa mga naidokumento, nahiwalay ang mga nakaranas ng sex slavery at sexual violence. Paliwanag ni Atty. Gorecho na hindi lahat ng mga batang Pilipina noon ay dinala sa comfort stations nang matagal. Ang “comfort women” ay mga babaeng binahay at paulit-ulit na ginamit at pinagsilbi sa iba’t ibang bagay.

May kuwento rin sa iba pang kalupitan ng militar ng Imperial Japanese noon, hindi sila kuntento sa panggagahasa sa mga kababaihan. Habang ginagahasa ay sinasaktan nang pisikal ang mga ito. Nakaranas din sila na tinatanggalan o hinihiwa ang mga suso habang ang iba ay sapilitan ang pagpapalaglag sa mga buntis.

May ibang salaysay din na pinapatay sa harapan ng mga biktima kanilang mga tatay o asawa.

Sa lahat ng mga nagpahayag na sila ay comfort women, dumanas sila ng matinding trauma na mula sa panggagahasa, sekswal na pagpapahirap, pisikal na pang-aabuso, gutom, pagbabanta, at nasaksihan ang marami pang iba na pinahirapan at pinatay. Mayroon din sa kanila na dahil sa hindi kinakaya ang sakit ay nagpapakamatay na lamang.

Dahil sa talamak ang seksuwal na pang-aabuso sa mga kababaihan, marami sa kanila ang napilitang magtrabaho kahit na nahawa na sila ng mga sakit na naipapasa sa pakikipagtalik.

May nagsabi ring ang iba sa kanila ay hindi makapagtrabaho dahil sa matinding sakit mula sa iba’t ibang rason ay pinapatay na lamang ng mga Hapon kaysa bigyan pa sila ng gamot.

Ang trauma na nabanggit ay dinala ng comfort women sa buong buhay nila kahit pa dumaan na ang maraming dekada mula nang mangyari ang digmaan. Ang totoo kailanman ay hindi natapos ang giyera dahil sa kanilang mga dinanas.