Expiration dates sa gift certificates ipinagbabawal ng batas

Ang mga halimbawa ng gift certificates tinatawag ding GCs. (Bilibb.ph)

Ngayong holiday season, marami sa atin ang maaaring tumanggap ng gift certificates/checks/cards (GCs) pero ipinaaalala ng pamahalaan na bawal ang pagkakaroon ng expiration date sa mga ito.

Ang Republic Act No. 10962, na tinatawag ding “Gift Check Act of 2017,” ay nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 19, 2017. Ipinagbabawal nito ang pag-isyu ng mga gift check na may expiration date at ang paglalagay ng expiration date sa stored value (halaga na nakalagay), credit, o balance ng gift check.

Ilegal ang tumangging igalang o kilalanin ang hindi pa nagagamit na halaga, kredito, o balanse ng isang GC.

Ang pag-isyu, paggamit, at pagtubos ng gift checks ay pinamamahalaan ng Republic Act No. 10962, na naaayon sa pangako ng pamahalaan na protektahan ang interes ng mga mamimiling Pilipino at magtakda ng tamang pamantayan ng pag-uugali para sa mga kompanyang nagtatrabaho sa bansa.

Bukod pa rito, pinoprotektahan ng RA No. 10962 ang mga mamimili mula sa hindi patas, hindi tapat, at hindi etikal na mga taktika sa pagbebenta. Ang layunin ng batas na ito ay upang isulong ang pantay, tapat, at makatarungang ugnayan sa pagitan ng lahat ng partido na sangkot sa mga transaksyon ng mamimili.

Lahat ng naglalabas ng gift checks, gift certificates, o gift cards—maging papel, card, code, o iba pang kagamitan—ay sakop ng batas.

 

May exemptions ba rito?

Gayunman, ang batas ay hindi applicable sa mga gift check na ibinibigay sa mga customer, kabilang ngunit hindi limitado sa mga nasa ilalim ng loyalty, rewards, or promotional programs, ayon sa itinatag ng Department of Trade and Industry (DTI).

Hindi rin kasama sa RA 10962 ang mga kupon o voucher na nagbibigay ng discounts sa may-ari sa isang partikular na produkto o maaaring ipapalit sa isang naunang tinukoy na produkto.

 

Ano’ng mga kaparusahan sa mga lumalabag?

First offense – P500,000 hanggang P1 milyong multa

Second offense – Multa at karagdagang 3-buwang suspensiyon sa pagbibigay ng GCs

Third offense – Multa, karagdagang kanselasyon ng pagbibigay ng GCs

Maaaring magreklamo sa DTI kung may expiration date sa inyong GCs.