ERC: Kuryente sadyang mahal; mas magmamahal sa tag-init

Nabanggit noong 2019 ng Institute for Energy Economics and Financial Analysis na ang bansa ang may pinakamataas na presyo ng kuryente sa Timog Silangang Asya sa humigit-kumulang US$0.20 kada kilowatt-hour (kWh) o P10 kada kWh. Ang nakikitang dahilan nito ay sobrang taas ng pagdepende natin sa imported coal at diesel ngunit kulang sa pagpansin sa ibang opsyon para gumaan ang isyu.

Ang bagay na ito ay sinang-ayunan at tinalakay ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson at CEO na si Atty. Monalisa C. Dimalanta sa isang pulong sa Kamuning Bakery Café sa Kamuning, Quezon City itong Marso 16.

“Totoo naman na Philippines is either second, or first, the most expensive. Kailangan nating tingnan ‘yung mga kasama natin sa listahan, karamihan dun ay subsidized ‘yung rates nila. May kakayahan na tulungan diretso ang consumers nila. The ideal resource is what’s around you, ideally renewable,” ayon kay Atty. Dimalanta.

Si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson at CEO Atty. Monalisa C. Dimalanta habang ipinaliliwanag ang usapin tungkol sa sitwasyon ng kuryente sa bansa. (Kuha ng Bilibb)

Bilang isang konsumer din ay naunawaan ni Atty. Dimalanta na lubhang pasakit sa mamamayan ang mahal na singil sa kuryente.

“We really need to promote energy efficiency measures, change in behavior. We need to make sure that we only consume energy that we really need. Walang masama sa increasing demand because it means maraming economic activities,” anang abogada.

Papel ng ERC sa electricity industry

Sa ilalim ng Section 43 ng EPIRA o Electric Power Industry Reform Act, ang ERC ay naatasang magsulong ng kumpetisyon, hikayatin ang paglago ng merkado, tiyakin ang pagpili ng kustomer at parusahan ang pag-abuso sa kapangyarihan sa merkado sa electricity industry.

Ayon kay Atty. Dimalanta, as of January 2023 mayroon tayong electric power na P630 billion industry. Kasalukuyan din ay may 227 generation companies sa bansa na may operasyon sa 590 power plants na nakalat sa main grids na Luzon, Visayas at Mindanao. Kasama rito ang off-grid islands na hindi konektado sa malaking system. Sa main grid na ay konektado ito ng high voltage system na operated ng isang transmission concessionaire.  Dahil iisa o monopoliya, regulated pa rin ang operasyon ng transmission concessionaire. Kasabay din nito, ang 141 distribution utilities at electric cooperatives ay monopoliya rin sa sarili nitong lugar na regulated din.

Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson at CEO Atty. Monalisa C. Dimalanta. (Kuha ng Bilibb)

Samantala, ang mga nagbebenta nang diretsahan sa mahigit 3,000 customers ay pinag-aagawan ng 119 retail and electricity suppliers – dito ay puwede nang pumili ng sariling suppliers. Sa lahat ng ito, nangyayari ang bilihan ng kontrata pero physically managed sa 405 WESM o Wholesale Electricity Spot Market participants. Ang 405 na ito ay nagbibilihan kada limang minuto (na dating 1 oras). Ang lahat ng ginagawa ng players na ito ay binabantayan ng ERC.

Energy transition

Nasa estado ang buong mundo sa pagkakaroon ng energy transition.

Ang energy transition ay makabuluhang pagbabago sa istruktura sa isang sistema ng enerhiya tungkol sa supply at pagkonsumo nito. Ito ay maaaring magbigay ng mga solusyon sa maraming pandaigdigang isyu, kabilang ang mga pagsisikap laban sa pagbabago ng klima, ang pagkamit ng napapanatiling pag-unlad, at iba pa.

Pero ayon pa kay Atty. Dimalanta, umiikot lamang sa dalawang konspeto rito ang Pilipinas na kailangan nating dagdagan ang supply ng energy kasabay ng pamamahala sa demands. Dito ay habang pinararami ang supply ay sabay ding inaayos kung paano tayo kumukonsumo ng supply.

Ang kasalukuyang pinagkukunan ng supply ng Pilipinas ay coal at petroleum o natural gas. Mayroon ding renewable energy sources tulad ng geothermal sources, hydro, solar, at biomass.

Singil sa kuryente ngayong tag-init tataas

Dagdag usapin din na inaasahan ang pagtaas ng singil sa kuryente sa pagpasok ng tag-init. “Historically kapag summer months, tumataas ‘yung demand and yet ‘yung supply lumiliit. Ang tendency mas gagamitin ang coal, gas na mas mahal,” giit pa ng ERC chairperson.

Ang pagtaas ng singil ay dahil sa bumababa ang lebel ng tubig mula Marso hanggang Mayo, kaya naaapektuhan ang pagganap ng mga hydroelectric power plant na nagreresulta sa pagdepende sa mas mahal na alternatibong mapagkukunan ng gasolina tulad ng langis at gas.