Enero 16: Transport strike nakaumang

Nakaumang ang transport strike ng grupong Manibela sa Enero 16 kung saan 10,000 hanggang 15,000 jeepney drivers ang sasali, kabilang ang ibang transport group, sa protesta na maitigil ang pagpapatupad ng public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng pamahalaan.

Ang protesta ng transport group ay magsisimula sa University of the Philippines-Diliman hanggang Welcome Rotonda sa Quezon City patungong Mendiola sa Maynila.

“Ang pakiusap natin sa ating mga congressman ay hindi extension ng deadline of consolidation ang aprubahan, kung hindi extension ng aming mga franchise. Ibalik sa five years na validity habang pinag-uusapan ito,” ani Manilbela chairman Mar Valbuena sa isinagawang forum nitong Linggo.

Noong nakaraang linggo nag-anunsyo ang  (LTFRB) na ang mga hindi nakasamang unconsolidated jeepney operators sa ipinaiiral na kooperatiba ay tatawaging kolorum simula Pebrero 1. Sa sandaling magpatuloy sila sa kanilang pasada ay huhulihin ang mga ito.

Bunsod nito, nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagbibigay ng “Libreng Sakay” para sa mga maaapektuhan ng transport strike sa lungsod.

 

Ano’ng mayroon sa PUVMP?

Nagkaroon ng public utility vehicle modernization program o PUVMP dahil sa layuning pag-isahin ang mga operator at driver sa mga kooperatiba o negosyo at mapalitan ang mga lumang jeepney na 15 taong gulang o mas matanda pa ng bagong mga modelo.

Sa ngayon, mahigit 70% ng PUV operators ang nakapag-consolidate na sa buong bansa, ayon sa LTFRB.

Gayunpaman sa pagpapatupad ng modernization scheme, tumututol ang jeepney operators at drivers na hindi pa consolidated sa mahal na presyo ng mga kontemporaryong jeepney units—ang ilan ay maaaring umabot sa P2.8 milyon—ay isang pangunahing dahilan ng pagtulak mula sa mga operator at driver na nag-aalala na maubusan ng pera.