Embahada ng Italya naglunsad ng libro sa ika-75 taong bilateral na relasyon sa Pinas

Ang librong nilathala ng Embahada ng Italya sa Pilipinas kaugnay ng pagkilala sa ika-75 anibersaryo ng bilateral na relasyon sa bansa.

Ang Embahada ng Italya sa Pilipinas ay pormal na naglunsad ng kanilang libro sa harap ng mamamahayag nitong Miyerkoles na ginanap sa Caruso Ristorante Italiano sa lungsod ng Makati.

Bilang proyekto ng embahada sa pangunguna ni Ambassador Marco Clemente, ang masining na pagkakalikha ng librong ‘Philippines-Italy: Rising Together’ ay tumutukoy sa komprehensibong paggalugad ng bilateral na relasyon ng Pilipinas at Italya. Nilalayon ng libro na magbigay liwanag sa iba’t ibang aspeto ng diplomatiko, ekonomiya, kultura, at panlipunang ugnayan ng dalawang bansa.

Sa larangang diplomatiko, sinusuri ng ‘Philippines-Italy: Rising Together’ ang ebolusyon ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa, mula sa pagkakatatag ng pormal na ugnayan hanggang sa kasalukuyan. Ito ay kinapapalooban ng mahigit sa 80 istorya ng dalawang bansa.

Si Italian Ambassador Marco Clemente habang pinipirmahan ang librong ‘Philippines-Italy: Rising Together’ bilang pagkilala sa ika-75 anibersaryo ng bilateral na relasyon ng Italya at Pilipinas. Sa isinagawang media book launch nitong Oktubre 11, kasama ni Ambassador Clemente si Charleson Hermosura ng Office of European Affairs, Department of Foreign Affairs. (Kuha ng Bilibb)

“This is not just a book but a celebration of potential exploration for even closer diplomatic understanding between Italy and the Philippines,” ani Ambassador Clemente.

Ang libro ay sumasalamin din sa complex at multifaceted na relasyon sa pagitan ng Italya at Pilipinas, na ginalugad ang iba’t ibang mga paraan kung saan ang dalawang bansang ito ay nakipag-ugnayan at nakaimpluwensya sa isa’t isa. Mula sa bilateral na relasyon hanggang sa pagsasanib ng kultura, itinatampok ng aklat ang magkakaibang paraan kung saan nagtutulungan at nagpapalitan ng ideya ang Italya at Pilipinas sa mga nakaraang taon.

Bilang karagdagan sa mga diplomatikong relasyon, ginalugad din ng aklat ang makulay na mga eksena sa palakasan at sining sa pagtatanghal sa parehong bansa. Sinusuri nito ang kapuwa paghanga at impluwensya sa mga larangang ito, na nagpapakita kung paano nagiging matibay pa ang samahan ng dalawang bansa.