Southbound ng EDSA-Kamuning flyover isasara sa mga motorista

Nakatakda na ang pagsasara ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) Flyover sa Kamuning, Quezon City para bigyang daan ang pagkukumpuni ayon sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ang pagkukumpuni ay isasagawa ng Department of Public Works and Highways mula Abril 25 ngunit ang pagsasara ay sisimulan na sa Mayo 1 hanggang Oktubre 25 sa southbound portion at partial o bahagya lamang pagsasara rito.

Paglilinaw pa ng MMDA, ang kabuuang pagkukumpuni ay aabutin ng isang taon ngunit ang bahagyang pagsasara sa mga motorista ay halos anim na buwan lamang dahil ang iba pang pagsasaayos ay isasagawa sa ilalim ng tulay kung saan hindi gaanong apektado ang daloy ng trapiko.

Ang pagkukumpuni ay upang mapatibay ang tulay laban sa matinding sakuna tulad ng lindol.

Kaugnay nito, asahan ang mabagal na daloy ng trapiko sa lugar. Pinapayuhan din ang mga motorista na gamitin ang Mabuhay Lanes bilang alternatibong ruta at maiwasan ang mabagal na usad ng trapiko.