EDCA sa Pilipinas ‘unconstitutional’ – Tatad

Tutol si dating senador Francisco “Kit” Tatad sa mainit na usapin sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na nakatakdang repasuhin o muling baguhin sa susunod na taon.

Sa pagdalo sa isang pagtitipon ng senador at tatlong iba pang panelists noong Mayo 17, sinabi nitong unconstitutional at delikado ang naturang kasunduan.

Ang EDCA ay may kaugnayan sa internal at domestic na isyu ng China at Taiwan. Sa isyung ito ay naniniwala ang marami na hindi na dapat pang sumali ang Pilipinas, na handa naman umanong tulungan ng Amerika.

“Under the agreement ‘yung EDCA has a 10-year year period. After the 10-year period if it is not terminated it continues indefinitely. Iyan ang dapat linawin natin. Kaya ang panawagan ko ay for us to revisit. Dapat tingnan muli. In my non-lawyer’s view this is a violation of our Constitution. Napakalinaw ng Konstitusyon (na) hindi maaaring magkaroon ng base militar, troops and facilities except with a treaty approved and signed by the (Philippine) Senate. Nasaan ang (pirmahan sa) Senado? Wala po iyan,” ayon kay Tatad, dating minister of public of information sa panahon ng rehimen ng ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Ferdinand E. Marcos Sr.

“It violates the provision on extra territoriality. We gave America the power to live in our state against the Constitution and the basic law of nations,” ayon pa sa dating senador.

Nasa okasyon din sina dating Philippine diplomat in Washington, D.C. Ado Paglinawan, Asian Century Philippines Strategic Studies Vice President for External Affairs Anna Malindog-Uy, at foreign policy analyst Sass Rogando Sasot.

Ang apat na panelists ay may iisang sentimiento na ang pagkakaroon ng base militar ng Amerika ay hindi tiyak na pagpigil sa mga banta ng dayuhan o pananakop ng mga ito sa mga teritoryo ng bansa. Para sa kanila, ito ay pagtawag o pag-akit sa posibleng pag-atake ng dayuhang militar ng mga kaaway ng Amerika.