Earth Day: Araw ng mga sining sa CCP

Ang maskara na ito ay bahagi ng art installation na Surogpon Kita ng Kintab Artists Group, Inc. Kabilang ang sining na ito sa pagdiriwang ng Cultural Center of the Philippines para sa Earth Day noong Abril 20. (Kuha ng Bilibb)

Sa pagdiriwang ng Earth Day, nakibahagi ang Cultural Center of the Philippines (CCP) sa layuning ipahayag ang kahalagahan ng mundo sa anyo ng sining sa ilalim ng temang “Invest in our planet”.

Mistulang araw din ng mga sining ang okasyon na ginanap sa CCP sa Pasay City para sa apat na mga aktibidad na naging bukas sa publiko noong ika-6 ng hapon ng Abril 20.

Ang vice president at artistic director ng Cultural Center of the Philippines na si Dennis Marasigan habang pormal na sinisimulan ang pagdiriwang Earth Day. (Kuha ng Bilibb)

Sinimulan ito sa isang katutubong sayaw ng Ramon Obusan Folkloric Group sa saliw ng musikang “Malayo Man Malapit Din” ni Bayang Barrios.

Ang Ramon Obusan Folkloric Group sa kanilang pagtatanghal sa Cultural Center of the Philippines. (Kuha ng Bilibb)

Mga aktibidad

Art installation

Sa okasyon, ang Kintab Artists Group, Inc. (KINTAB/KAGI) ay nagpamalas ng kanilang art installation sa harap ng CCP na tinawag na “Surogpon Kita” (We are Connected).

Ang art installation na “Surogpon Kita” (We are Connected) na likha ng Kintab Artists Group, Inc. at makikita sa harapan ng Cultural Center of the Philippines sa Pasay City. (Kuha ng Bilibb)

Makikita sa likhang ito ang mga papier-mâché mask at assemblage gamit ang mga organiko at katutubong materyales. Ang mga lubid na yari sa abaca, coco coir, palaspas, cogon grass, at native vines na tinatawag na balagon ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkilala sa sarili at sa mundo sa organiko at iba pang kaugnayan.

Nabuo ang Kintab noong 2013 sa maliit na bayan sa Pili, Camarines Sur. na pinamumunuan ng Bikolano at surealist artist na si Harold Gomez at asawang si Cris Fragata-Gomez.

“Malaking thank you talaga sa inyo from the heads of the CCP, officials, personnel, staff at sa lahat ng bumubuo ng event at naging involved dito. Naniniwala po kasi kami na ang art ay isa sa pinkakonsepto ng buhay ng tao. ‘Art if life,’ ika nga. Sa amin, ang art ay isang moral, pilosopiya, paniniwala na araw-araw nating ginagawa conciously at unconsciouly,” ani Bobby Maltizo, isa sa artists ng Kintab.

Ang sining na ito ay patuloy na bukas sa publiko hanggang Mayo 28, 2023.

Ang KINTAB ay grupo ng Bikolanong artists tulad ng visuals, sculptors, architects, writers, musicians, atbp.

Gayundin pinasalamat ni Maltizo ang iba pang naging bahagi ng Surogpon Kita na sina artists Reymel Gonzaga, Michael Sales, Gladys Borromeo, Jurrel Magistrado, Kenan Lalas, Arnel Arañez, Ronaldo Ruadil, Vladimir Grutas, Ramon Buenafe, John Noe Garcia, at Francis Villano. Pinasalamatan din ang crew na sina Raymart Peñalosa Briones, Chris Peñalosa Briones, Albert Pulvurisa Oriel, Dominic Cea Peñalosa, Gerald Bongol, Richard Saba, at Fhilipino Quilaquil.

Ang ilan sa mga miyembro ng Kintab Artists Group, Inc. na lumikha ng art installation na “Surogpon Kita”. (Kuha ng Bilibb)

CCP Facade Lighting

Hindi rin mapapalalampas ang ganda ng pagpapailaw ng harapang bahagi ng gusali na nagpasigla pa ng gabi. Makikita ito ng publiko hanggang Abril 30, 2023.

Tanod-Lupa (Nature Guardians) Launch

May ibang Liwanag din ang nasilayan sa Liwasang Kalikasan na bahagi pa rin ng CCP. Narito ang naglalakihang art installation ng kilalang multimedia artist na si Abdulmari “Toym” De Leon-Imao, Jr. Iba’t ibang Pinoy na kathang-isip na nilalang ang narito na pangunahing dinisensyuhan gamit ang LED lights.


Ang isa sa Pinoy mythical creatures na obra at ipinaliliwanag ni Abdulmari “Toym” De Leon-Imao, Jr. bilang bahagi ng Tanod-Lupa sa pagdiriwang ng Earth Day sa Cultural Center of the Philippines. (Kuha ng Bilibb)

Gayundin, masasaksihan dito ang reinvented “panolong” of Maranao Torogan houses of the south.

Cinema Under the Stars Screenings

Sa open space, open air ng Liwasang Kalikasan, may giant screen kung saan nagpalabas nang libre ng mga piling pelikula para sa publiko.

Bago ang pelikula ay naghandog muna si Bayang Barrios at grupo nito ng isang pagtatanghal.

Nagkaroon din sa Liwasan ng mga food kiosk na ang iba ay libre napagsaluhan ng mga dumalo.

Ang mga pagkaing libreng pinagsasaluhan ng publiko bilang pagdiriwang ng Earth Day sa Cultural Center of the Philippines sa Pasay City. (Kuha ng Bilibb)