E-cigarettes nakaka-cancer tulad ng tunay na yosi

Maraming nahuhumaling sa paggamit ng electric cigarette o e-cigarette. Maliban sa uso ay may iba-ibang lasa ito kumpara sa nakaugaliang paghithit ng sigarilyo.

May maling claim kasi noon na mas safe gamitin ang e-cigarette pero ang totoo ay peligroso rin ito sa kalusugan at nakaka-cancer.

Ano ang electronic cigarette?

Ang mga electronic cigarette ay ginawang kahawig ng mga sigarilyo, tabako upang maghatid ng nicotine o iba pang mga sangkap sa isang gumagamit sa anyo ng isang singaw (vapor). Karaniwang kasama sa e-cigarette na ito ang isang rechargeable na gumagana dahil sa baterya na heating element, isang mapapalitang cartridge na maaaring maglaman ng nicotine o iba pang mga kemikal, at isang atomizer na kapag pinainit, ginagawang vapor ang mga nilalaman ng cartridge na maaaring malanghap ng gumagamit.

Naging bahagi ng pananaliksik na ang mga e-cigarette ay tunay na naglalaman ng mas maraming mga compound na nagdudulot ng canser kumpara sa paggamit ng ordinaryong sigarilyo.

Sa vapor, maraming mga kemikal na maaaring magdulot ng kanser dahil dito.

Sa heating coils ng e-cigarette, gumamit ng alloys of nickel, chromium at iron (Nichrome), chromium at aluminum (Kanthal), pati na rin ang mga bakas ng tanso, lata, pilak at zink. Ang mga microparticle ng mga metal na ito ay maaaring tumagas sa vapor ng e-cigarette, na maaaring magpataas ng panganib sa pagkakaroon ng kanser sa baga at pinapataas din ang dalas ng mga impeksyon sa respiratory tract.

Ibang katawagan sa e-cigarette

– e-cigs

– vape

– vape pens

– tank systems

– mods

Anong pinakadahilan bakit hindi ligtas gamitin ang e-cigarette?

  1. Nicotine. Masama ang epekto ng nicotine sa kalusugan at ang kemikal na ito ay nasa e-cigarette – na dati nang mayroon sa ordinaryon sigarilyo at tabako.

Ang nicotine ay nakapagtataas ng blood pressure, heart rate, at daloy ng dugo papunta sa puso. Dahil din sa nicotine ay pinasisikip nito ang mga ugat na nagdadala ng dugo. Pinatitigas din ng nicotine ang wall ng mga ugat na maaaring humantong sa heart attack.

Nicotine rin ang dahilan kung bakit nawawalan ng ganang kumain, nakararanas ng pagduduwal, pagkahilo, pananakit ng ulo, seizures, pagkalito, pagkabalisa.

Daan din ito sa pagkakaroon ng cancer sa baga, pantog, lalamunan, bibig, dugo, atay, balat, bato, cervix, prostate, lapay, at iba pa.

  1. Carbon monoxide. Ito ay isang nakapipinsalang gas na nalalanghap kapag naninigarilyo. Ito ay pumapasok sa baga at naglalakbay sa daluyan ng dugo. Ang mga red blood cells ay maaaring magdala ng mas kaunting oxygen kapag nalantad sa carbon monoxide. Bukod pa rito, pinapataas nito ang dami ng kolesterol na idineposito sa lining ng mga arterya, na sa paglipas ng panahon ay maaaring magresulta sa pagtigas ng mga arterya. Nagreresulta ito sa sakit sa arterial, puso, at maaari ring atake sa puso.
  2. Secondhand smoke. Mas delikado ang mga taong hindi naninigarilyo pero maaaring magkasakit dahil lamang sa paglanghap ng usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo. Ang mga bata sa partikular ay nasa malaking panganib ng mga problema sa kalusugan mula sa secondhand smoke. Kapag nalantad sa secondhand smoke, ang mga hindi naninigarilyo na may mataas na presyon ng dugo o mataas na kolesterol ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit sa puso at posible ang pagkamatay.
  1. Thirdhand smoke. Sa thirdhand smoke hindi talaga mabilang ang panganib na mayroon dito. Kapag ang usok mula sa sigarilyo ay sumisipsip sa mga bagay gaya ng buhok, damit, kasangkapan, carpet, at dingding, ito ay ang thirdhand smoke. Ang mga compound ay dumaan sa isang aging process, na nagbabago sa kanilang kemikal na makeup. Kapag nag-interact ang mga pollutant sa hangin sa loob ng bahay tulad ng nitrous acid at nicotine, nalilikha ang carcinogens—mga compound na maaaring magdulot ng cancer. Ang gas ay patuloy na “off-gassed,” o muling ibinubuga pabalik sa hangin.

“Thirdhand smoke is not a one-time thing,” ani Dr. Rabih Bechara ng Pulmonary & Critical Care ng Atlanta sa Amerika. “It’s actually a phenomenon that accumulates over time with increased exposure. Normal cleaning methods also aren’t effective against the pollutants. Most of the time, replacing carpets or repainting walls are the only options.”

  1. Flavorants. Ang flavorants sa e-cigarette gaya ng diacetyl ay isang kemikal na nauugnay sa sakit sa baga.

Nakakatulong ba ang e-cigarette para mahinto ang paninigarilyo?

May mga nagpapayo na para mahinto ang paggamit ng nakaugaliang sigarilyo (o ang mismong paninigarilyo) ay dapat maging hinay-hinay at dumaan sa paggamit ng e-cigarette.

Sa kasalukuyan, ang mga e-cigarette ay hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration bilang tulong sa pagtigil sa paninigarilyo o quit smoking aid. Hanggang nariyan ang nicotine at may epekto ang nicotine na nakaaadik at nakasisira ng kalusugan ay mananatili itong banta sa buhay. Kahit noon pang 2015, ipinagbawal na ng World Health Organization ang paggamit ng naturang produkto lalo na sa mga menor de edad.

E-cigarette mapanganib sa buntis, bata

Sa pag-aaral, ang karamihan sa mga e-cigarette ay naglalaman ng nicotine, na mapanganib sa pagbuo ng mga fetus at ito nakahuhumaling o nakaaadik. Ang pagdebelop ng utak ng adolescent (mga nagdadalaga/nagbibinata) ay negatibong naaapektuhan ng nicotine na tumatagal hanggang sa sila ay tumuntong ng edad 25. Ang e-cigarette aerosol ay maaaring maglaman ng mga sangkap na nakalalason sa baga.

Unintended injuries sa paggamit ng e-cigarette

Marami na ang naiulat na may mga e-cigarette na sumasabog. Malala pa nito ay nasabugan ang kanilang bibig o buong mukha na nagresulta sa mas malaking problemang kalusugan. Ang mga depektibong e-cigarette ay maaari ring makalikha ng sunog lalo na kapag nasa charging mode.

Maliban sa nabanggit, ang talamak na pagkakalantad sa nicotine ay maaari ring makapinsala. Sa pamamagitan ng paglunok, paglanghap, o pagsipsip ng likidong e-cigarette sa pamamagitan ng kanilang balat o mata, ang mga bata at matatanda ay nagkakasakit.