Dweng ng Sta. Maria, Isabela tradisyong pamana

Ilan lamang ang mga paso na ito sa dweng na ikinabubuhay ng mga taga Sta. Maria sa lalawigan ng Isabela. Dweng ang tawag sa mga iba’t ibang produktong banga ng nasabing munisipalidad. (Kuha ng Bilibb)

Isa ang Sta. Maria sa mga bayan ng Isabela na may makulay na kasaysayan.

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa bansa, itinalaga ang kauna-unahang gobernadorcillo na si Don Martin Masigan sa isang baryo sa bisa ng rekomendasyon ng simbahan. Sa baryo siya nakapangasawa at nagkaanak. Babae ang una nilang anak na si Doña Maria, sa kanya isinunod ang pangalan ng noo’y baryo na Sta. Maria.

Kabuhayan sa Sta. Maria

Maliban sa mais, bigas at tubo bilang mga pangunanahing produktong agrikultural ng Sta. Maria ay kilala rin ito sa paglikha ng mga banga.

Ang Sta. Maria ay isang 4th class na munisipalidad na binubuo ng 20 barangay at may populasyong 25,758 (2020 Census). Malaking porsyento ng lugar na ito ay binubo ng mga Ibanag. Ang Ibanag ay termino na tumutukoy sa tao at wika. Isa lamang din sila sa mga etnikong grupo sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, at Nueva Viscaya.

Maliban sa Ibanag ay Ilokano rin ang diyalekto sa Sta. Maria.

Noong nakaraang buwan, sa Barangay Poblacion 3 ng munisipalidad na ito, kami ay inilibot ni Rex Arao na siyang municipal tourism officer kung saan ang ikinabubuhay ng marami rito ay mula sa banga.

Maliban sa Poblacion 3, kabilang ang iba pang mga barangay na nasa industriya ng banga. Ito ay ang Poblacion 2, San Rafael West at Quinagabian.

Kasaysayan ng banga sa Poblacion 3

Ang Sta. Maria ay nasa mahigit isang siglo na ng industriya ng banga.

Sa kuwento, ang banga ay ipinakilala noong unang panahon sa mga Ibanag ng etnikong grupong Kalinga, unang nanirahan sa Poblacion 3.

Ang mga taga Poblacion 3 ng Sta. Maria, Isabela habang abala sa kanilang hanapbuhay sa industriya ng banga. (Kuha ng Bilibb)

Ang tawag sa iba’t ibang produktong banga ay dweng, hango sa “Madweng” ng mga Kalinga na nasa linya ng paglilikha at pagbebenta ng mga banga.

Sa kuwento pa, anim lamang noon ang barangay sa Sta. Maria na kinabibilangan ng Mozzozzin, Poblacion, San Antonio, Calamagui, Bangad at San Isidro.

Nagkaroon noon ng isang araw ng madugong labanan ang mga Kalinga at Kristiyano sa Mozzozzin. Ito ay tumagal hanggang dapit-hapon, resulta ng pagkakaroon ng barangay na Quinagabian na ang literal na kahulugan ay matapos ang isang gabi.

May isang kuwento ring nagsasabi na ang naturang tradisyon ay ipinamana ng mga Ilokano noong unang panahon.

Minsang napadpad kami noon sa Ilocos Sur, may kuwento rin sila sa pinagmulan ng kanilang earthen jars – burnay kung tawagin ng mga Ilokano. Partikular sa Vigan ang mga produkto na ipinakilala sa kanila ng mga Intsik bago pa man tayo sakupin ng mga Kastila. Sila ang mga mangangalakal noon na nanirahan din sa lugar na ito. Ginagamit ito ng mga Intsik noon bilang sisidlan ng kanilang bagoong, alak at iba pa sa paniwalang sumasarap ito kapag nasa burnay.

Paglikha ng dweng sa Sta. Maria

Lupa o putik (davvun sa Ibanag) ang pangunahing sangkap sa paggawa ng dweng.

Ang  dweng dito ay ginagamit sa pagluluto (kalan at palayok), plorera at paso, ladrilyo (bricks), iba pang dekorasyon sa bahay, mga hardin, at iba pa.

Si Leonida Magusib, 59 taong gulang at 30 taon nang nasa pottery industry sa Brgy. Poblacion 3 ng Sta. Maria, Isabela. (Kuha ng Bilibb)

Noong kasagsagan ng pandemya dala ng COVID-19, dumoble ang kita ng mga Madweng dahil kaliwa’t kanan ang nahilig sa pagtatanim o paghahalaman.

Ang mga lupa na ginagamit sa pagbuo ng dweng ay nagmumula sa kanilang kabundukan. Matapos itong mahulma ay hahayaan sa isang tabi upang tumigas ang mga ito. Ang pagpapatigas ay maaaring abutin ng isa hanggang dalawang araw depende sa laki ng nalikha. Kapag natuyo na ay bahagyang pakikintabin gamit ang mosquito net at susundan ng pagpinta.

Ang pagpipinta sa maliliit na paso gamit ang natural na kulay mula sa putik na kung tawagin ay fula ng mga Ibanag. (Kuha ng Bilibb)

Sa pagpipinta ay ginagamitan din ito ng ibang klaseng lupa na may natural na kulay na kawangis ng kalawang. Tinatawag nila itong “fula”. Ang lupang ito ay ibinababad muna nang sandali sa tubig upang lumambot at sasalain saka ipipinta sa nalikhang banga. Matapos na pintahan hahayaan muna ito nang sandali para matuyo.

Sa manwal na pagluluto (magabba o maluttu sa Ibanag) ng dweng, ginagamitan ito ng mga tuyong dahon o dayami, panggatong na mga kahoy at mga dumi ng baka o kalabaw. Ang mga dumi ng baka o kalabaw ay nagpapalakas din ng init o apoy sa pagluluto.

Sa bawat pagitan ay inilalagay ang mga panggatong, dayami, at dumi ng kalabaw at baka para sa proseso ng manwal na pagluluto ng dweng. (Kuha ng Bilibb)

Sistematikong sinasalansan ang may libong dweng sa malaking espasyo habang nasa pagitan ng mga ito ang iba pang gamit sa pagluluto, kabilang pa ang mga rejected nang banga bilang proteksyon sa pagguho. Ang pagluluto ay ginagawa sa katirikan ng araw at umaabot ng apat na oras saka palalamigin.

Ang mga panggatong at mga dumi ng baka’t kalabaw na ginagamit sa pagluluto ng iba’t ibang produkto ng banga (dweng). (Kuha ng Bilibb)

Sa kanilang komunidad ay mapapansing mababa ang kanilang mga bubong dahil sa iba ang hampas ng hangin tuwing tag-ulan o may bagyo. Ang suliraning ito ay sadyang kalaban ng kanilang hanapbuhay.

Si Ruby Canceran habang hinuhulma ang banga. Mahigit 20 taon na siyang nasa pottery industry sa Brgy. Poblacion 3 ng Sta. Maria, Isabela. Ayon sa kanya, ang edad 15-16 ay maaari nang makagawa ng dweng na may maliliit na sukat habang edad 20 pataas ay para naman sa malalaking sukat ng dweng na lilikhain. (Kuha ng Bilibb)

Bilang pagkilala rin sa dweng ng Sta. Maria, idinaraos nila ang Banga Festival tuwing Abril 25 ng bawat taon. Sa ganitong paraan din nila ipinamamalas ang imahe ng pamanang kultural at pagkakakilanlan ng kanilang bayan.

Yaman na ipinagmamalaki rin ng Sta. Maria na sa kanila nagmula ang Bb. Pilipinas Supranational 2013 at Ms. Supranational 2013 na si Mutya Johanna F. Datul.

Higanteng Banga

Ang Higanteng Banga ay isang landmark na matatagpuan sa rotonda ng Sta. Maria na dating tapunan lamang ng mga basura.

Aminado ang lokal na pamahalaan na hindi awtentiko ang pagkakagawa sa bangang ito. Ginawa ito mula sa semento ng mahigit sa 10 katao. Gayundin, hindi rin perpekto ang hugis nito na may sukat na 5 metro sa bawat panig.

Ang grupo ng media na pumwesto sa Higanteng Banga bilang bahagi ng pag-iikot sa Sta. Maria, sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Patuloy ding pinagaganda ang landmark na ito partikular sa may lagoon na ginagawan ng swimming pool at iba bilang karagdagang atraksyon ng Sta. Maria.

Ito ay bahagi ng atraksyon na makikita mula sa itaas ng Higanteng Banga na landmark ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)