Durian farmers ng M’danao handa sa pag-export sa China

Ang mga durian na dala ng ilang mga opisyal ng Durian Industry Association of Davao City. (Kuha ng Bilibb)

Handa ang mga magsasaka ng durian sa Mindanao sa nakaplanong pag-export ng kanilang produkto sa China.

Ito ay sa resulta ng pagbisita kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China kung saan ilang agreement ang nabuo kabilang ang “Protocol of the Phytosanitary Requirements for Export of Fresh Durians from the Philippines to China.”

Noong Enero 14, humarap ang mga magsasaka ng durian sa ginanap na Pandesal Forum ng 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City upang ilabas ang kanilang intensyon na makatulong sa ekonomiya at masabi rin ang kanilang hinahangad na pagbabago sa kanilang hanay.

Sa isinagawang talakayan sa pag-export ng durian sa China, naging panauhin dito ang mga magsasaka na mga opisyal ng Durian Industry Association of Davao City board of directors na sina (mula sa kaliwa) Emialiano Porgarillas, Jose Cubol, Jacinto Adlaon Jr., president na si Emanuel Belvis, at vice president for marketing na si John Tan. Ang talakayan ay sa imbitasyon din nina Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. President Dr. Henry Lim Bon Liong (naka-itim), at FCCCIII Board Member at Media and Public Information Chairman Wilson Lee (dulong kanan). Ito ay ginanap noong Enero 14 sa Kamuning Bakery sa Quezon City. (Kuha ng Bilibb)

Naging panauhin sa talakayan ang mga magsasaka mismo ng durian na sina Durian Industry Association of Davao City president na si Emanuel Belvis, board of directors na sina Emialiano Porgarillas, Jose Cubol, Jacinto Adlaon Jr., adviser na si Rowena Adlaon, at vice president for marketing na si John Tan.

Naging ganap ang talakayan sa pagitan ng mga magsasaka sa imbitasyon ng Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) na siyang naging sponsor nila na makarating sa Maynila. Ito ay sa pagnanais ni FFCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong na mabigyang boses ang mga magsasaka dahil malaking tulong sila sa pag-angat ng agrikultura ng bansa.

Ang industriya ng durian sa hinaharap

Sa tala, ang China ang pinakamalaking merkado sa mundo na may 1.4 bilyong dumaraming mamimili ng durian.

“The state visit has set the tone of Philippines-China relation for the next five to six years. Durian diplomacy was also at its height during the state banquet when the light banter between President Bongbong Marcos and China President Xi Jinping revolved around durian fruit,” mensaheng ipinarating sa talakayan ni Assistant Secretary Neil Imperial ng Office of the Asian and Pacific Affairs ng Department of Foreign Affairs.

Ayon naman kay Pangulong Marcos, may projection tayo sa China market na 54,000 metric tons ng durian na nasa $150 milyon ang halaga para sa pag-e-export para sa unang taon.

Bago ang pag-e-export ng durian sa China, ang Pilipinas ay nagpapadala nito sa Japan, USA, Australia at Singapore. Noong 2020 umaabot lamang tayo ng 2,700 metric tons sa pagpapadala.

Noong 2021, ang tatlong prutas na inaangkat ng China ay ang durian, cherry at saging.

Mas nagiging popular ngayon ang pagkain ng durian sa nasabing bansa kung kaya ganito na lamang kapursigido ang pamahalaan na isulong ang produktong ito.

Pasasalamat ng durian farmers

Ayon kay Belvis na 30 taon na sa industriya at may-ari rin ng Belvis Farm sa Davao, malaki na rin ang ikinaganda ng industriya ng durian.

May isang dekada na rin aniya ang lumipas na tanging mga native durian lamang ang mayroon sa kanilang lugar. Kalaunan, nag-import din tayo ng ibang uri nito mula sa Thailand at Malaysia at sa ngayon ay mayroon na tayong Arancillo, Puyat, Duyaya at iba pa.

Ang isang durian ay tumitimbang na aabot sa tatlong kilo. Iba rin ang presyuhan nito noon ayon pa sa paglalahad ng mga magsasaka.

Sa farm gate ay umaabot lamang ng P5 hanggang P15 ang kada kilo ng durian at minsan ay hindi naibebenta o naitatapon na lamang. Hindi naibebenta dahil kapag nahinog ang durian ay kusa itong nahuhulog at maiksi na lamang ang panahon para maibenta ito.

Sa hanay din ng mga magsasakang ito ay natututo silang magproseso sa paglipas ng panahon. Tumulong din ang gobyerno sa kanila na maibenta ito sa Cebu, at Maynila.

Ngayon ang presyo ng durian ay umakyat na ng P60 hanggang P75 kada kilo.

Suporta pa mula sa gobyerno

Mayroon ding tinatawag na simple backyard farmers na gusto ring umangat sa Davao. Ang daing ng grupo nina Belvis ay masyadong mahal ang mga input o fertilizer at iba pang kemikal sa pagmamantina ng durian.

Dati ay P1,000 lamang isang 50-kilo bag na fertilizer ngunit ngayon ay P4,000 na. Tatlong beses na rin ang itinaas ng presyo ng ibang kemikal kaya’t halos wala nang pambili ang maliliit na farmers – hindi rin sapat para makipagkompetensya sa ibang nag-e-export ng durian.

Samantala, bagaman malaki ang inaasahang pag-export ng durian sa China ay may problemang nakadikit dito dahil mataas ang kalidad ang hinihingi sa pagpapadala ng durian. Ang tulad nito ay phytosanitary, certification at iba pa lalo na para sa maliliit na farms. Kaya kailangan anila ng gabay pa mula sa pamahalaan.

Sa pagkakataon ding ito nais din ng magsasaka na maliban sa itinatanim nilang durian ay bigyang suporta rin ang iba pa nilang mga produkto sa Mindanao.

“Ang aming mangosteen ay tambak din doon. Kasi ang mangosteen ‘pag season doon ay aabutin ng P10 per kilo,” ani Cubol. “Pati lansones namin at saka ‘yong marang. Gusto rin namin na ma-push ang ibang prutas sa Mindanano magkaroon ng market din sa China para magkaroon ng malaking kita ang farmers doon. ‘Yon lang ang hinihiling ko sa ating mahal na pangulo.”

Ang hinaing ng farmers, dahil highly seasonal ang mga prutas nila kapag mayroon ay parang bumabaha ng prutas ngunit kulang sa air cargo at minsan ay nagmamahal ang bayad ng serbisyo. Ang iba sa mga prutas na hindi naibebenta ay naibabasura. Ito ay sa panahon ng Setyembre at Oktubre.

Pagtatanim ng durian sa ibang lugar mahirap

Batay pa rin sa mga durian farmer, halos partikular lamang sa Mindanao ang maayos na tamnan ng durian dahil hindi gaanong dinadaanan ng malalakas na bagyo ang kanilang lugar.

Kung itatanim din ito sa dry areas ay dapat may sapat na irigasyon dahil sensitibo sa pagkatuyo ang durian.

Uri ng durian na ine-export ng Pinas

Sa pagbebenta sa bansa at pag-e-export ng durian, ang isang uri na mabili sa atin ay ang Puyat. Ayon sa teorya ng mga magsasaka, tinawag itong Puyat dahil ang nagpakilala ng durian sa kanila ay isang Dr. Puyat ng Bukidnon noon na yumao na.

Maliban sa Puyat, mabili rin ang D101 at Duyaya.

Ayon pa sa grupo, ang presyo ng isang durian sa Beijing, China ay aabot sa ¥1,399 para sa Black Thorn na uri nito na kung sa pera natin ito ay aabot ng mahigit P11,000. Ang Musang ay nasa ¥999 o mahigit sa P8,000 ang isang piraso habang ang ibang Thai durians ay ¥88 o mahigit sa P700 ang isa.

 

 

Iba pang mga uri ng durian

Ang durian ay native sa Southeast Asia. Iba-iba ang mga hugis nito na pabilog o pa-oblong.

Kilala ito bilang “King of Fruits’ pero ayon sa durian farmers ay mas tamang sabihing “King of Tropical Fruits.” Tinawag itong “king” dahil sa tinik nito na parang korona.

Isang social fruit din aniya ito dahil ang isang paraan ng pagkain ng durian sa Davao ay sa harap ng tindahan ng durian. May mga upuan dito kung saan kakainin ang durian kasama ng ibang mga kaibigan at ang matitira ay siyang pasalubong sa pamilya.

Para naman sa iba, pisikal na makikitang may crown sa durian tulad ng Musang King at D24.

Samantala, sinasabing may 500 klase ng mga durian sa mundo pero hindi lahat ay rehistrado o mabenta sa merkado.

Sa buong mundo ang top 4 durian growing countries ay Thailand, Malaysia, Indonesia at ang Pilipinas.

Sa dami ng klase ng durian, aabot lamang sa 10 hanggang 15 ang kilalang tinatangkilik ng consumers. Ito ay ang Musang (o Golden) King, Puangmanee, Monthong, Red Prawn, Chanee, Kanyao, D101, Black Thorn, D99, at ang Puyat.

Sa Thailand, mabili sa kanila ang Mothong, Kanyao at Chanee na uri ng durian.

Sa Malaysia ay may 200 rehistradong uri nito at nasa ayos ng numerong D-1 hanggang D-200 pero mas patok sa kanila ang D-24, D-13, Mao Sang Wang, Sultan Durian, Red Prawn, Musang King at Blackthorn. May ulat din na ang Hong Kong, China at Singapore ang biggest importers ng Malaysian durians.

Sa Indonesia, sinasabing mahigit sa 100 ang klase ng kanilang durian.

Sa Pilipinas, ayon kay Durian Industry Association of Davao City president na si Emanuel Belvis, may isang dekada na rin ang lumipas na tanging mayroon lamang tayo noon ay ang mga native durian sa kanilang lugar. Unti-unti ay nag-import din tayo nito mula sa Thailand at Malaysia.

Aabot sa 20 klase ng durian ang mayroon tayo sa bansa (Mindando at Palawan) at ang pinakamabili sa atin ay ang Puyat dahil sa tamis nito, sadyang malasa, magandang kulay at malaki ang pulp at edible portion nito, at hindi madaling mabiyak.

Sa hanay naman ng mga magsasaka, maganda ito dahil mataas ang resistance ng Puyat sa peste at sakit sa pananim at ang canopy nito ay hindi ganoon kalaki kaya mas makatatanim pa ng mas marami.

Durian bilang lahok sa ibang pagkain

Maliban sa pagkain ng fresh na durian sa China, may coffee shops sila roon na ang kape ay lasang durian. Isinasama rin iyan sa kanilang pizza, butter, salad dressing at gatas bilang durian-flavored foods na mabenta. Sa atin, ang durian ay ginagawa ring candy, tarts, yema, jam habang sa Thailand ay inihahalo rin ito sa pagkain ng suman.

Maraming nagsasabi na mas masarap kainin ang durian kung ikaw mismo ay nasa plantasyon nito dahil sariwa. Ang pagkain nito ay puwedeng kamayin at diretso sa bibig. Puwede rin namang gamitan ng kutsara at tinidor.

Para naman sa ibang Malaysian, may paniniwala sila na matamis ang durian kung natural itong nalaglag mula sa puno.

Kakaibang amoy

May 44 active aromatic compounds ang durian kaya mayroon itong matapang na amoy na may kakaiba ring pinaghalo-halong lasang maalat, matamis, creamy at caramel.

Ang amoy ng ibang durian ay hindi kaaya-aya. Sa iba ito ay mabango o okay lamang habang sa iba ay wala itong amoy.

Sa overpowering na amoy ng durian, banned ito sa mga uri ng public transport sa iba’t ibang lugar tulad ng Japan, Thailand, Singapore at Hong Kong.

Sa Pilipinas, pinapayagan naman itong isakay sa mga pampublikong sasakyan kung ito ay balot na balot na sisigurong hindi mangangamoy.

Health benefits ng durian

Pagdating sa nutrisyon, malaking benepisyo ang durian sa ibinibigay nitong mataas na protina, fat, carbohydrates, cellulose, vitamin A, vitamin B, vitamin C, vitamin E, folic acid, at niacin. Mayroon din itong calcium, iron, phosphorus, potassium, sodium, magnesium, selenium at iba pang minerals.

Sa Thailand, kinakain ito ng mga pasyente at postpartum women upang maibalik ang kanilang lakas.

Pinabubuti rin ng durian ang fertility, sinusuportahan ang pagbubuntis na may estrogen, ngunit ang moderate na pagkain nito ay ipinapayo dahil sa mataas na nilalaman ng asukal na maaaring mapaminsala.

Kilala rin ang durian bilang aphrodisiac, nagpapataas o pumukaw sa sekswal na instinct, nag-uudyok ng veneral na pagnanais at nagpapataas ng kasiyahan at performance.

Shelf-life ng durian

Kapag hinog at fresh ang durian dapat na itong kainin upang malasahan ang natural na sarap nito. Samantala ang frozen na uri nito ay maaaring tumagal ng dalawang taon.