Nangangalap ng mga lumang denim pants ang mga boluntaryo ng Hernandez Library sa Makati City upang gawing libre at matitibay na bag para sa 1,300 mag-aaral sa elementarya sa Sulu sa Mindanao.
Nagsimula ang ideya noong Disyembre 2025 nang mismong si Tina Hernandez, founder ng silid-aklatan, ang nagdisenyo at nagtahi ng prototype mula sa kanyang wheelchair. Ang mga bag ay ginawa para sa kaligtasan ng mga bata—may neon silver-backed taffeta (umbrella fabric) at reflective material upang madali silang makita sa madidilim na daan sa Sulu.
Sa kasalukuyan, mahigit 300 bag na ang nalikha ng mga kababaihang mananahi mula sa MIKA San Pedro, Laguna na naglingkod sa mababang halaga lamang ng paggawa. Ipamimigay ang mga bag nang walang bayad sa siyam na paaralan sa Sulu.
Bukod sa lumang maong, tumatanggap din sila ng buttons o butones (na gagamiting pansara sa mga pencil case mula sa natirang tela), school supplies, at mga pambatang raincoat o kapote.

Saan puwedeng mag-abot ng donasyon?
Tumatanggap ng donasyon mula Lunes hanggang Biyernes:
- The Hernandez Library (7:00 AM – 3:00 PM): 150 Amorsolo St., MG Building, Legaspi Village, Brgy. San Lorenzo, Makati City. (Tumatanggap ng jeans, buttons, school supplies, at raincoats) Tumawag sa: 09681339419 at hanapin si Pia o Jon.
- UP Vanguard Secretariat Office (8:00 AM – 5:00 PM): Dept. of Military Science and Tactics, Ylanan corner Magsaysay St., UP Diliman, Quezon City. (Denim o maong lamang)
- MIKA San Pedro Workshop (8:00 AM – 5:00 PM): Ibaba ng Brgy. Narra Basketball Court, San Pedro, Laguna. (Denim lamang)
Paalala: Tanging mga telang denim o maong at mga butones lamang ang tatanggapin para sa damit; hindi magagamit ang ibang klase ng lumang kasuotan.
Ang denim donation drive ay magpapatuloy hanggang Nobyembre 30, 2026.
Pagtulong sa Sulu
Mula pa noong Disyembre 2023, patuloy na nagpapadala ang Hernandez Library ng mga libro at gamit-pampaaralan sa Sulu sa tulong ng mga partner organization, Department of National Defense, at Armed Forces of the Philippines. Noong Enero 2025, mahigit 2,100 kilo ng mga libro ang naisakay sa C-130 aircraft patungong Sulu. Noong Hunyo 2025 naman, nakapagtayo at nakapag-turnover din sila ng bagong silid-aralan at palikuran sa Tuwak Primary School sa Patikul, Sulu sa tulong ng Army engineers at Civil-Military Operations units sa lugar.
(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)

