DOH: 12K namamatay kada taon sa disgrasya sa kalsada

Base sa datos ng Department of Health (DOH), karaniwang 12,000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa disgrasya sa kalsada.

Napag-usapan ang isyung ito dahil ang Mayo ang itinalagang Road Safety month upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang publiko.

Sa buong mundo, ikawalo ang disgrasya sa kalsada sa pagkamatay ng mga tao.

Sa Pilipinas, kabilang sa namamatay ang mula sa banggaan ng mga sasakyan, pagtawid sa daan at kung saan sangkot din ang mga motorsiklo, tricycles, bisikleta, at iba pa. Ito ang ibinahagi ni Albert Francisco Domingo, assistant secretary at spokesperson for the Department of Health.

“Every year, on the average, nasa 12,000 na mga Pilipino ang namamatay dahil sa banggaan, dahil sa pagtawid na nasasagasaan, at ang gumagamit ng motorsiklo, bisikleta, at pati ang mga sumasakay sa tricycle,” pagsisiwalat ni Domingo.

Ayon pa kay Domingo, mas mataas na ang bilang ngayon ng ganitong aksidente kumpara noong 2011 kung saan naiulat na 7,938 naitalang kaso noon.

Nasa tala rin na mas maraming lalaki (84%) ang binabawian ng buhay sa naturang isyu. Aksidente rin sa kalsada ang pangunahing ikinamamatay ng mga bata sa bansa.

Dito, iminungkahi ng DOH na kung malapit naman ang pupunta ay lakarin na lamang ito. Bahagi rin ng pag-iingat ang gumamit din ng bisikleta.

Idinagdag pa ni Domingo na ang Inter-Agency Technical Working group on Active Transport at ang Philippine Road Safety Action Plan ay naglalayong bawasan ng 35% ang pagkamatay sa kalsada sa 2028.