DEPED, KWF: ‘Filipinas’ bawal nang gamitin

Ipinagbabawal na ng Department of Education (DepEd) bilang tugon nito sa desisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggamit ng salitang “Filipinas”.

Sa inilabas na Memorandum Pangkagawaran ng DepEd itong Agosto 26, ang ipinatitigil na ang paggamit ng salitang “Filipinas”. Ipinag-utos din na ito ay higit na tutukan ng mga Direktor ng Kawanihan, Direktor ng mga Rehiyon, Tagapamanihala ng mga Paaralan, at Pinuno ng mga Pampubliko at Pribadong Paaralan.

Ayon sa isa sa mga naging basehan ng KWF, ang salitang “Filipinas” ay nagdulot lamang ng kalituhan sa mga mag-aaral at kaguluhan sa mamamayan ng bansa.

Ibinase rin na noong unang panahon pa, “ang mismong Tanggapan ng Pilipinas sa pamamagitan ng dating Pangalawang Kalihim Manuel Quezon III, na ang opisyal na titulo ng Pangulo ay ‘Pangulo ng Pilipinas’ at hindi Pangulo ng Filipinas.

Gayundin ipinasiya rin na ibalik ang paggamit ng salitang “Pilipino” mula sa nakaugaliang Filipino. Ito ay kung ang tinutukoy ay mamamayan at kultura ng Pilipinas.

Nilinaw din na hindi na kailangang baguhin ang mga kagamitang nailimbag na tulad ng Aklat, Self-Learning Module, at iba pa bago pa ang paglalabas ng memorandum. Kailangan na lamang na iwasto ng mga guro at kawani habang ginagamit sa proseso ng pagtuturo.