DepEd: Dating school year unti-unting ibabalik

Unti-unting ibabalik ang dating school year kung saan umiiral ito noong bago mag-pandemya.

Nitong Martes, inilabas sa media ang binagong school calendar ng Department of Education (DepEd) na may petsang Pebrero 19 para sa School Year 2023-2024.

Batay sa DepEd Order No. 003 series of 2024 na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang end of school year para sa 2023-2024 ay Mayo 31, 2024 (Biyernes).

Ilan sa mga bahagi ng karagdagang probisyon ng school calendar para sa School Year 2023-2024 ay ang sumusunod:

National Learning Camp – dahil sa binagong school year para sa 2023-2024, ang mga aktibidad nito ay magaganap sa loob ng tatlong linggo ng School Year 2023-2024 End of School Year break mula Hulyo 1 hanggang 19, 2024. Boluntaryo ang serbisyong ibibigay ng mga guro para rito.

Brigada Eskwela – isasagawa sa Hulyo 22, 2024 (Lunes) hanggang Hulyo 27, 2024 (Sabado).

Simula, Katapusan ng School Year 2024-2025 – Ang klase ay magsisimula sa Hulyo 29, 2024 (Lunes) at magtatapos sa Mayo 16, 2025 (Biyernes).

Bahagi ng DepEd Order No. 003 series of 2024.