Deadline sa jeepney phaseout pinalawig

Higit pang pinalawig ang deadline sa jeepney phaseout na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Mula sa dating Hunyo 30, inatras pa ng ahensya ang deadline hanggang huling araw ng Disyembre 2023 upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga operator at driver ng jeepney, kabilang ang utility vehicle (UV) express at multicabs na sumailalim sa kooperatiba na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Nagbanta kamakailan ang transport groups sa plano ng mga ito ng isang linggong tigil-pasada. Gayunman, itinanggi ng LTFRB na ito ang dahilan kung bakit nagbigay sila ng panibagong deadline upang hindi ma-phaseout ang mga jeep.

Ayon sa ahensya umabot na sa 90 porsyentong suporta ng ibang transport groups sa nasabing programa ng pamahalaan ngunit kailangan pa rin nila ng pakiisa ng natitirang mga grupo.

Tigil-pasada inalmahan

Dahil sa bantang tigi-pasada ng mga jeep na nakatakda sa ala-7:00 ng umaga ng Marso 6 hanggang Marso 12, inalmahan ito partikular ng National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP).

Bilang aksyon ng NCCSP, idudulog nila sa LTFRB ang mga pampublikong sasakyan na makikiisa sa pinaplanong transport strike.

Ayon pa sa grupo malaking problema ang nasabing strike na lulumpo sa libong bilang ng mga pasahero partikular sa mga papasok sa trabaho.