Danyos ng El Niño sa agrikultura umakyat sa 9.5 B

Umakyat sa P9.50 bilyon ang pinsalang tinamo sa agrikultura bunsod ng El Niño kung saan 13 rehiyon ang tinamaan nito.

Sa huling tala ng Department of Agriculture (DA) noong Mayo 16, ang crop loss by volume ay 426,798 metric tons, na nakaapekto sa 163,694 ektarya ng bukirin at 175,063 magsasaka at mangingisda.

Batay pa sa ahensya, ang kabuuang pagkawala ng produksyon mula sa mga apektadong sakop ng agrikultura ay 426,798 metriko tonelada, na may 185,561 metriko tonelada para sa palay o bigas, 180,807 metriko tonelada para sa mais, 48,949 metriko tonelada para sa high-value crops, at 147 metriko tonelada para sa kamoteng kahoy.

Kabilang sa mga rehiyong naapektuhan ang Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, Davao Region, at SOCCSKSARGEN.

Kaugnay pa nito, inihayag din ng DA na naghahanda na sila sa magiging epekto ng La Niña o matinding tag-ulan. Ayon sa kanila mas matindi ang epekto ng La Niña kaya nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan sa mga magsasaka.