Daing na Bangus, Kinunot pasok sa Taste Atlas

Daing na Bangus ((Mula sa Taste Atlas website)

Isa ang tradisyunal na pagkaing isda sa mga paborito ng mga Pinoy. Ang ilan sa mga halimbawang ito ay ang daing na bangus na binigyang pagkilala ng international food database na Taste Atlas para sa 50 Best Rated Fish sa mundo.

Sa updated na listahan (Pebrero 15) ay pang-35 ang ating daing na bangus.

Noong unang linggo ng Pebrero, pang-18 ang Daing na Bangus sa 50 Best Rated Saltwater Fish Dishes ng Taste Atlas. Samantala, sa 250 Most Popular Saltwater Fish Dishes ay ika-34 ang daing na bangus habang ang kinunot ay ika-124.

Ang daing na bangus ng Pilipinas na ika-35 ay nasa tala ng Taste Atlas para sa 50 Best Rated Fish sa mundo. (Mula sa Taste Atlas website)

Daing na bangus

Ang recipe para sa daing na bangus o marinated milkfish ay ang bangus na tinitimplahan ng suka, bawang, asin at paminta. Kung tama ang pagkakahanda hanggang sa pagpiprito nito ay siguradong mapapa-extra rice kayo!

Karaniwang kasama sa almusal na silog (sinangag at itlog) ang daing na bangus para sa daingsilog, hotsilog (hotdog), longsilog (longganisa), at iba pa.

Kinunot

Ang kinunot ay luto sa gata. Ang pangunahing sangkap nito ay page (stingray) o pating (shark), gata ng niyog, malunggay, sibuyas, bawang, luya, paminta, asin, siling haba o labuyo.

Ito ay pagkaing nagmula sa Bicol region at ang ibig sabihin ng kinunot ay kinurot – matapos na pakuluan ang isda na may luya at palalamigin, ito ay hinihimay o pakurot na hinihimay.

Ang kinunot na orihinal na pagkain ng mga Bicolano ay ika-124 sa Most Popular Saltwater Fish Dishes ng Taste Atlas. (Mula sa Taste Atlas website)