Dahil sa pertussis outbreak, Cavite nasa state of calamity

Sa bisa ng Resolution No. 3050-2024, idineklara ng pamahalaan ng Cavite ang state of calamity sa lalawigan nito matapos ianunsyo ang pertussis outbreak bunsod ng mataas na bilang ng kaso ng naturang sakit.

Gabi ng Miyerkoles nang ideklara sa social media account ng Cavite Provincial Information Office ang sitwasyon sa lalawigan.  Sa pinakahuling tala noong Marso 25 ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit, 36 ang tinamaan ng pertussis kabilang ang anim na namatay dahil dito.

Ang anunsyo ng Cavite Provincial Information Office sa kanilang social media hinggil sa state of calamity ng lalawigan kaugnay ng nakahahawang sakit na pertussis.

Sa ulat, ito ang listahan ng bilang ng tinamaan ng pertussis sa iba’t ibang lugar sa Cavite:

City of Bacoor – 6 cases; 1 dead

City of Trece Martires – 6 cases

City of General Trias – 5 cases; 2 dead

Municipality of General Mariano Alvarez – 4 cases

City of Carmona – 3 cases; 1 dead

Municipality of Silang – 3 cases

City of Dasmariñas – 2 cases

Municipality of Kawit – 2 cases

City of Imus – 2 cases; 1 dead

City of Cavite – 1 case

City of Tagaytay – 1 case

Municipality of General Emilio Aguinaldo – 1 case; 1 dead

Samantala, sa pinakahuling tala ng Department of Health noong Miyerkoles, mayroong nang 568 kaso ng pertussis sa buong bansa at 40 ang mga namatay.