Dagdag oras ng operasyon, train sa MRT-3 ipinag-utos

Ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ipinag-utos ngayon ng Department of Transportation (DOTr) sa pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) na dagdagan ang operasyon nito nang isang oras sa gabi at dagdagan din ang train tuwing peak hours upang hindi na gaanong mahirapan pa ang mga mananakay.

Ang kautusan ay kasunod ng isinagawang sorpresang inspeksyon ni Transportation Secretary Vince Dizon sa MRT-3 nitong umaga na sinimulan sa mga istasyon nito sa Ayala Avenue, Shaw Boulevard, at Taft Avenue.

Sa isinagawang inspeksyon, kasama ng kalihim si DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan.

Sa kasalukuyan, ang huling biyahe ng MRT-3 mula sa North Avenue ay ika-9:30 ng gabi habang sa Taft Avenue ay ika-10:11 ng gabi.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung kailan magkakabisa ang naturang kautusan ng ahensya.