CPR-Ready Philippines patuloy na isinusulong ng PHA

Sa isinagawang 54th Philippine Heart Association - Annual Convention and Scientific Meeting, tinalakay dito ni Dr. Razel Nikka Hao, Department of Health-Region 2 Director, ang estado ng kalusugan ng mga tao sa rehiyon at halaga ng cardiopulmonary resuscitation at automated external defibrillators. (Kuha ni Ann Esternon)

Ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ay isang kritikal na lifesaving technique na maaaring maging pagkakaiba sa pagitan ng buhay at kamatayan sa mga emergency na sitwasyon na kinasasangkutan ng cardiac arrest.

Ang paggamit ng automated external defibrillators (AEDs) kasabay ng CPR ay napakahalaga sa pagtaas ng pagkakataong mabuhay para sa mga indibidwal na nakararanas ng sudden cardiac arrest. Bagama’t nakatutulong ang CPR na mapanatili ang daloy ng dugo at paghahatid ng oxygen sa vital organs, ang paggamit ng AED ay mahalaga sa pagpapanumbalik ng normal na ritmo ng puso sa pamamagitan ng paghahatid ng kontroladong electric shock.

 

Ano ang CPR-Read PH?

Ang CPR-Ready Philippines (CPR-Read PH) ay isang advocacy ng Philippine Heart Association (PHA) na nasa ikasiyam na taon nang isinasagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Noong 2016 inilunsad din ang CPR on Wheels and Wings (CPR-W2) na may layunin na dalhin ang kaalaman sa mga probinsya, iba’t ibang lungsod at nagsasagawa ng CPR.

Naging pioneering ally din ng PHA ang Department of Tourism para maging CPR-ready communities ang tourist destinations. Sa ngayon, nasusundan pa ito ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang organisasyon.

Sa datos, ang CPR-Read PH at CPR-W2 ay nakaabot na sa 23 destinasyon at nakapagturo na sa dalawang milyong Pinoy mula Setyembre 2016 hanggang Pebrero 2020.

Kaugnay nito, partikular ding kinikilala ng Department of Health-Region 2 (DOH – Region 2) ang kahalagahan ng CPR at AEDs.

Ang training sa pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR.

 

DOH sa implementasyon ng CPR at AEDs

Sa nakaraang 54th PHA Annual Convention and Scientific Meeting ay inilahad ni Dr. Razel Nikka Hao, Director ng DOH-Region 2, ang kahalagahan ng CPR at AEDs sa tulad nilang nasa malayong lugar.

Ang Region 2 o Cagayan Valley ay kinabibilangan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Batanes. Ito ay may 929 geographically isolated areas kaya’t ang pagsalba ng buhay sa panahon ng emergency ay mas mahalaga.

Sa regional statistics noong 2023, ang hypertension at cardiovascular disease ang nasa kategoryang Second Highest Cause of Mortality (pagkamatay). Samantala, ang hypertension, cardiovascular disease, myocardial infarction, cerebrovascular disease, at iba pang sakit sa puso ang nasa kategoryang Top Causes of Morbidity (pagkakasakit o kondisyon).

Mula nang maging ganap ang pagkakaroon ng trainings at advocacies batay sa naipasang CPR Law noong Hulyo 17, 2016, ang Region 2 ay mayroon nang 119 trainers at nasa 8,000 ang trained citizen at safety officers. Kabilang sa pagtuturo ng CPR ay ang aplikasyon ng AEDs.

Nagsasagawa rin ang rehiyon ng standard first-aid trainings ng facilitators katuwang ang rescuers, health officers, disaster reduction managers at iba pang sangay ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, mayroon na silang 262 facilitators.

Sa pagsasagawa nito, mayroon silang training materials tulad ng mannequins, AEDs, at bag valve masks. Ang CPR training kits ay mahalaga para sa healthcare professionals at laypersons upang matagumpay na magsanay at matuto ng mga pamamaraan.

Batay sa CPR Law, kailangang may pagsasagawa rin sa mga paaralan kaya nakikipatulungan din ng DOH sa Department of Education.

Sa taong ito, ang Region 2 ang pilot area ng DOH sa pagpoposisyon ng nurses sa iba’t ibang basic education institutions. Ang nurses na ito ang tutulak sa implementasyon sa lahat public health programs at emergency care basic life support.

 

Kakulangan ng AEDs

Aminado ang DOH na limitado lamang ang naibibigay nilang automated external defibrillators (AEDs) dahil sa pagiging mahal nito – mula P200,000 pataas.

Gayunman, habang patuloy ang pangangalap na magkaroon ng maraming AEDS, iniengganyo ng ahensya ang publiko na maging maalam sa paggamit ng medical device na ito.

Mahalaga ang pagkakaroon ng AEDs na kahit hindi medical personnel ay kayang magamit ito. Mahalaga ito dahil naroon ang paniniwala ng DOH at PHA na kahit sino ay nararapat sa agarang medikal na aksyon kapag nararanasan ang cardiac arrest.

 

Paggamit ng AED kung walang ibang taong kasama

– Kapag ang isang tao ay biglaang tumumba o hinimatay, mahalagang may AED na available.

– Suriin kung nahinga ang pasyente at kung may pulso ito – kapag wala ang mga ito ay agad nang tumawag ng tulong.

– Agad gawin ang CPR habang hinahanda ang AED.

– I-on ang AED at tanggalin ang pang itaas na damit ng pasyente. Ang device ay magsasalita sa tamang gagawin step-by-step. Sasabihin nito ang pagtsek ng puso at paghinga ng pasyente at kung saan ilalagay ang AED pads sa itaas na bahagi ng katawan.

– Panatilihin ang distansya at bigyan ng shock ang pasyente gamit ang AED. Huwag hawakan ang pasyente habang sinusukat ng device ang tibok ng puso nito kapag nakalagay na ang mga pad. Aatasan ng device ang user na umatras at pindutin ang isang button para maglapat ng shock kung matukoy nito na kailangan ang isa pang shock. Siguraduhing ikaw lang ang humahawak sa pasyente. Bigkasin ang “stand clear” nang malakas, pagkatapos ay pindutin ang shock button. Ang AED shock ay ibinibigay lamang kung kinakailangan.

– Magsagawa pa ng CPR kung kinakailangan. Aalalay din ang AED sa pagsasagawa ng CPR. Maaaring muling gawin ang proseso hanggang sa dumating ang medical team para gawin ang mas nararapat.