City of Ilagan, tuloy sa adhikaing pang-ekonomiya

Ang yellow corn na isa sa mga pangunahing produkto ng City of Ilagan.

Imahe sa nakararami na kapag sinabing lalawigan, ito ang lugar na salat sa progreso o malayo sa asenso, kulang sa kulay at buhay ang kultura at turismo. Ngunit binago at patuloy na binabago ang imaheng ito sa City of Ilagan na nasa lalawigan ng Isabela.

Katatapos lamang ng pagdiriwang City of Ilagan sa kanilang 338th Aggaw na Ilagan (Araw ng Ilagan) o Founding Anniversary noong Mayo 4.

Bago pa maging ganap na lungsod, ang pagiging Ilagan ay binuo rin ng makukulay na kuwento.

Noong 2006 ay primera klaseng munisipalidad ang Ilagan pero dahil inaral ng lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Josemarie “Jay” Diaz, ang kanilang kasaysayan kung saan sagana ito noong unang panahon ay ninais nilang umasenso muli ang bayan.

Isa sa mga kailangan para maging lungsod ang isang lugar, dapat mayroon itong P100 milyong annual local income. Noon, P20 milyon lamang ang mayroon ang Ilagan. Habang lumilipas ang taon, naging masigasig ang lokal na pamahalaan upang makamit ang pagiging lungsod.

Kung lilibutin ang City of Ilagan na may 91 barangay, masasabing naging totoo ang namamahala sa lungsod sa kanilang adhikain.

Halimbawa na lamang ng ilan sa pagbabago sa kanilang lugar ay pagkakaroon ng City of Ilagan Medical Center na panahon ng COVID-19 pandemic nang itayo. Noon ay bangka ang gagamitin para makatawid sa lugar na iyon dahil wala pang tulay.

“During that time squatter lang po kami. Nasunog ang municipal hall namin noong panahon ng predecessor namin. Squatter kami, ang health services namin nasa palengke lang ho. Noong naging city na kami ang promise namin sa aming constituents ay nakamit namin – tulay, schools, covered courts, multipurpose, health centers, daycare centers. At mga daan kahit na diyan sa pinakamalapit sa paanan ng Sierra Madre as long as you’re in the territory of jurisdiction ay mayroon,” pagbabahagi ni Mayor Diaz.

Ang isinagawang press conference noong Mayo 7 kung saan tinalakay ang estado ng City of Ilagan at Mammangi Festival. Dumalo rito sina (mula sa kaliwa) Nilo Agustin, Festival Director; Mayor Josemarie Diaz; City Councilor Jay Eveson C. Diaz, Mammangi Festival 2024 Director General; at Ricky Laggui, City General Services Officer. (Ann Esternon)

 

Estado ng City of Ilagan

Ang City of Ilagan ay ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng lalawigan ng Isabela. Pinakamalaki rin itong lungsod sa Lambak ng Cagayan o Cagayan Valley (Region 2) at pinakamalaking component city ng bansa.

Ikaapat ang lugar na ito sa pinakamalaking lungsod ng Pilipinas ayon sa laki ng kalupaan, kasunod ng Davao City, Puerto Princesa, at Zamboanga City.

Ang lungsod ay may 91 barangays na nasa 4 clusters: Centro Poblacion, Northeastern, San Antonio, at Western.

Noong 2020 ang lungsod ay may populasyong 158,218 katao at kinilalang pinakamataong lugar sa Isabela at Lambak ng Cagayan.

 

Ilagan sa pagiging lungsod

Ang Republic Act No. 10169 ay higit na nagpabago sa Munisipalidad ng Ilagan bilang isang lungsod, ito ay sa pagsisikap ni Mayor Josemarie Diaz, DMD sa tulong ni Congressman Rodolfo Albano Sr. Ito ay higit pang inaprubahan ng mayorya ng mga Ilagueño sa isang plebisito para sa pagiging component city noong Agosto 11, 2012 sa ilalim ng pamamahala ng dating pangulong Benigno Aquino III.

Cityhood ng Ilagan, matagal na inilaban

Bago tuluyang nagkaroon ng City of Ilagan, dumaan ito sa limang beses na pagtatangka na makuha ang cityhood status nito.

  1. Panahon ng pananakop ng Espanyol, maaari na sanang maging ikalawang lungsod ng Pilipinas ang Ilagan sunod sa Nueva Segovia City (ngayon ay Lal-Lo, Cagayan) ngunit nabigo.
  2. Panahon ni Mayor Rafael Paguirigan ngunit nahinto sa pananakop ng mga Amerikano.
  3. Noong 1998, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act No. 8474, ngunit tinanggihan ng plebisito noong 1999 ang bid.
  4. Noong 2006, ang pagkamatay ni Mayor Delfinito “Jojo” C. Albano ay naging hadlang sa pagiging lungsod ng Ilagan.
  5. Noong 2012, ang mga pinuno ng Ilagan ay nag-renew ng kanilang bid, at ang cityhood bill ay inaprubahan ng Kongreso. Ang plebisito noong Agosto 2012 ay nagresulta sa pagproklama ng Ilagan bilang isang bagong component city.

 

Corn Capital City of the Philippines

Bago pa ang mais, tabako ang pangunahing produkto ng City of Ilagan.

Unang dumating ang tabakong galing sa Cuba sa Maynila noong 1592 na may bigat na 50 kilo. Dinala ito ng mga Espanyol. Ang mga buto nito ay unang itinanim ng mga Prayleng Katoliko sa Lambak ng Cagayan.

Sa Ilagan nagkaroon ng pinakamalaking tabacalera sa buong mundo, ang La Flor de la Isabela (the Flower of Isabela) noong panahon ng mga Espanyol.

Sa paglipas ng panahon ay mais na ang naging ikinabubuhay ng Ilagan.

Agosto 11, 2015 nang hirangin ng Department of Agriculture ang City of Ilagan bilang Corn Capital of the Philippines – kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang pagiging lungsod.

Ang existing land na ginagamit ng lungsod ay 1,166.26 square kilometer.

Ang lupain para sa agrikultura ay may sukat na 32,153.19 ektarya at ang 17,568 ektarya nito ay para sa pagtatanim ng mais. Sunod sa mais na nasa lupaing ito, produkto rin ang bigas, tubo, fishponds, at iba pa.

Sa kasalukuyan ay mayroong 14,049 corn farmers ang City of Ilagan at nakakalikha ng 250,000 metric tons kada taon.

Dahil mais ang pangunahing produkto ng lungsod naisulong din ang pagkakaroon ng taunang Mammangi Festival na ipinagdiriwang kasabay ng anibersaryo ng pagkalungsod ng Ilagan.

Tulong pa sa corn farmers

Mayo 2010 nang pumasok sa bansa ang pinakamalaking Thailand private company na Charoen Pokphand Foods o Charoen Pokphand Foods Public Co. Ltd. (CPFPC) na nakasentro sa agrikultura. Una itong umusbong sa Guiguinto, Bulacan.

Nag-invest ang CPFPC sa City of Ilagan at nagkaroon ng groundbreaking para sa swine farm house noong Agosto 13, 2019.

Sa ngayon, ang lungsod pa rin ang paglalagakan ng kanilang P1.8 bilyon investment dahil sa malapit nang itatayong animal feed milling facility.

Sa ganitong pamumuhunan ay nakikita ng lokal na pamahalaan na malaking tulong ito sa corn farmers para sa paglikha ng feeds. Sa paglikha ng feeds, 60% ng raw materials nito ay mais.

Tradisyunal na nagtatanim ng mais nang dalawang beses kada taon sa lungsod. Pero dahil sa pagsakay sa teknolohiya, may mga mais na hindi na hihintayin pang mamunga. Pag-umabot na ito ng 70-80 days ay papatpatin o ipoproseso na ang mga ito para maging corn silage (burong mais) o feeds.

Sa kasalukuyan, unti-unti nang nagde-develop ng dairy farming sa lungsod, agricultural class ito para sa long-term production ng gatas, daan sa pagkakaroon ng dairy products – isang paglalaanan din ng mga mais.

Plano, aksyon kontra El Niño

Noong isang taon pa pinaghandaan ng lunsod ng Ilagan ang ang epekto ng El Niño kaya hindi nila kinailangang magdeklara ng state of calamity.

Mas maagang nagtanim ang mga magsasaka kumpara sa nakaugaliang panahon ng pagtatanim upang maani ito nang maayos. May mangilan-ngilan na naapektuhan ngunit naroon pa rin ang pagsaklolo para kumita pa rin ang magsasaka tulad ng mga pataba, tamang irigasyon, at iba pa.

City of Ilagan Mayor Josemarie Diaz (Kuha ni George Buid)

 

Mas sumusulong na lungsod sa 2030

Patuloy pa rin ang lokal na pamahalaan ng City of Ilagan sa kanilang legacy project. Ang target? “Livable City by 2030.”

Sumusulong pang lungsod ang ninanais para mapagpatuloy ang iba’t ibang proyekto sa pagtatag ng ekonomiya. Sumusulong dahil sa tikas ng kalusugan ng mamamayan, edukasyon, turismo at kultura, trabaho, at iba pang makapagpapatibay sa pundasyon ng pagiging City of Ilagan.

Bahagi ng asensyo ng imprastraktura ay ang pagpapagawa ng 497 kilometrong daan.

Mabilis ang panahon kung kaya double time ang lokal na pamahalaan na mas maging livable city sila sa 2030.

 

Ilan sa mga parangal ng City of Ilagan

Sa husay ng pamamahala sa City of Ilagan, patuloy ang naaakit dito – investors, turista at iba pa – dahilan para makakuha ng iba’t ibang pagkilala na mga “resibong” ipinagmamalaki ng Ilagueños.

  • Top Performing Mayors of Isabela – Top 1 – 94.1% – February 19, 2024
  • Seal of Gawad Kalasag Beyond Compliance – December 11, 2023
  • 2023 Aliw Awards for Best Festival Practices/Performance – Mammangi Festival – December 11, 2023
  • Aliw Awards for Best Festival Catalyst/Organizer – Mayor Josemarie Diaz – December 11, 2023
  • National Recognition from the Department of Tourism – December 12, 2023
  • Seal of Good Local Governance Awardee – December 13, 2023
  • Vietnam International Achievers Awards as Outstanding and Remarkable Mayor of the Philippines – March 30, 2023
  • Gawad Dangal Filipino Awards | Best Local Chief Executive of the Year – Mayor Josemarie Diaz – 2022
  • Gawad Dangal Filipino Awards | Best Public Official of the Year – Ricky Laggui
  • Association of Southeast Asian Nations | Clean Tourist City – 2022
  • Association of Tourism Officers of the Philippines Pearl Awards | Best Tourism Promotion Video – 2022

 

Kasaysayan: Bolo at Nagali, dating mga pangalan ng City of Ilagan

Bago pa man magkaroon ng Isabela, nauna nang naitatag ang Ilagan.

Ang Ilagan ay maayos na pamayanan bago pa man tayo sakupin ng mga Espanyol. Ito ay tinawag noong “Bolo” ng mga unang nanirahang katutubong Gaddang. Matatagpuan ito sa kanlurang bahagi ng Ilog ng Cagayan (ngayon ay Barangay Naguilian-Baculod), at sentro ng kalakaran. Kilala ang Bolo na pinakamataong pamayanan.

Nang sakupin ng mga Espanyol ang hilagang Luzon noong 1587 sa pangunguna ni Juan de Salcedo, inatasan ni Gov. Rodrigo Peñalosa si Capt. Pablo de Carreon upang galugarin ang Lambak ng Cagayan.

Hindi nagustuhan ng mga katutubo ang pamamahala ng mga Espanyol kaya nagkaroon ng Rebolusyong Gaddang noong 1621. Kasunod nito ay nilisan nila ang lugar dahil sinunog ang kanilang mga tirahan at simbahan.

Noong 1678, dumating sa abandonadong Bolo ang misyonaryong Espanyol na si Padre Pedro Jimenez, OP. Inilaban niya na makabalik ang mga Gaddang sa lugar.

Pinatawad ng pamahalaang Espanyol ang mga katutubo at nagtayo muli ng kanilang tirahan ngunit sa silangang bahagi na ng Ilog ng Cagayan – ang lugar ay tinawag na Nagali, salitang Ibanag na ang ibig sabihin ay “paglipat”. Ang Nagali ay kabaliktaran at kung saan hango ang pangalang Ilagan.

Tinanggap ng mga Dominikano ang komunidad bilang isang eklesiastikal na misyon at tinawag na San Fernando de Ilagan bilang parangal sa patron nito, si San Ferdinando ng Castilla.

Noong Mayo 4, 1686 ay itinatag ang Ilagan sa pangunguna ng naturang pari at ang mga lokal ay ginawang Kristiyano.

Noong 1763, ang Ilagan ay lugar kung saan nagkaroon ng pag-aalsa sa pangunguna ng mga katutubong Ibanag na sina Dabo at Juan Marayag dahil sa hindi pagsang-ayon sa pangongolekta sa kanila ng pera, at ang puwersahang monopolyo sa tabako na pinatutupad ng mga prayle.

Umabot sa 170 taon na ang Ilagan ay naging kapital ng Lambak ng Cagayan.

Noong Mayo 1, 1856 kasunod ng paghihiwalay mga bayan upang maging sakop ng bagong tatag na Isabela de Luzon (ngayon ay Isabela), ang Ilagan ay naging kabisera ng lalawigan.

Ang Provincial Government Act 210 na ipinasa noong Agosto 4, 1901 ng mga pwersang pananakop ng Amerika sa ilalim ng United States-Philippine Commission ay nagpanumbalik ng Isabela at iba pang mga lalawigan ng bansa sa kanilang dating katayuan. Bilang unang gobernador, napili si Rafael Maramag, na unang naging municipal president (mayor) ng Ilagan. Ang batas ay tungkol sa muling pagtatag ng Ilagan bilang kabisera ng lalawigan.