Cinemalaya 19 patuloy sa pagpapakilala sa independent Filipinio films

Ang iba’t ibang disenyo ng Cinemalaya Film Festivals sa paglipas ng panahon. (Kuha ni Kate Mabini)

Sa pagpapatuloy ng ika-19 edisyon ng Cinemalaya Film Festival na may temang IlumiNasyon, hindi nauupos ang kagustuhan ng mga tao na mapanood ang bawat entry ng mga Pilipinong direktor.

Simula nang magbukas ang kompetisyong ito noong Agosto 5, 2023, bawat araw ay mayroong nakatakdang independent films at lugar kung saan ito maaaring mapanood. Sa kalagitnaan ng pagdaraos ng Cinemalaya 19, ginanap din ang gala ng mga iba’t ibang palabas katulad ng: Iti Mapukpukaw at As if its true noong Agosto 8 at Huling Palabas at Bulawan ng USA noong Agosto 9.

Ginanap din ang talkback ng mga pelikula tulad ng Tether at Rookie noong Agosto 8 at Shorts B (short films) at Iti Mapukpukaw noong Agosto 9.

Gayundin nagkaroon ng paglulunsad ng libro ng National Artist for Film and Broadcast na si Ricky Lee ng kaniyang dalawang libro na Para sa lahat ng B at Para kay B noong Agosto 9. Ang mga libro ay maaaring mabili sa CCP Cinemalaya Shop sa ikalawang palapag, Executive Lounge ng Philippine International Convention Center (PICC).

Bilang paraan ng pasasalamat sa mga tumatangkilik ng Cinemalaya, katuwang ng Cultural Center of the Philippines ang Gourmet Cafè sa pamamahagi ng libreng kape. (Kuha ni Kate Mabini)

Habang nasa kalagitnaan ng paglulunsad ng festival ay nagsimula na rin ang pagkolekta ng mga boto ng mga manonood sa kanilang paboritong palabas. Nakaabang ang mga kahon sa labas ng bulwagan kung saan maaaring ihulog ang stab o ang mismong ticket ng nagustuhang palabas upang magsilbing boto para sa People’s Choice Award.

Ang Cinemalaya ay patuloy na matutunghayan hanggang Agosto 13 Philippine International Convention Center sa Pasay City, at piling sinehan ng Ayala Malls. Maaaring bumili ng tickets sa nasabing mga lugar.

Ano pang hinihintay ninyo? Samahan kaming mag-enjoy at suportahan ang Cinemalaya. Ayain na ang pamilya, barkada, at partners.

Ang Cinemalaya ay isang all-digital film competition na naglalayong tuklasin, hikayatin, at suportahan ang mga cinematic na gawa ng Filipino filmmakers na matapang na naglalahad at malayang nagbibigay kahulugan sa karanasang Pilipino ng may sariwang pananaw at artistikong integridad.

Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang CCP website (www.culturalcenter.gov.ph) at Cinemalaya website (www.cinemalaya.org). Sundan ang official CCP at Cinemalaya Facebook pages at iba pang social media accounts ng mga ito sa Twitter, Instagram at Tiktok, o alamin ang ibang detalye rito: tinyurl.com/3y9mkz9w