
Panalo ang kasuotang inirampa ni Chelsea Manalo bilang Best in National Costume sa isinagawang Miss Universe 2024.
Hinirang si Manalo, naging representante ng bansa, dalawang linggo matapos ang prestihiyosong pageant at naging makabuluhan ang pagkapanalong ito para rin sa lumikha ng gown na si Filipino fashion designer Manny Halasan.
Tinawag na Hiraya ang kanyang gown na isang makalumang termino na ang ibig sabihin ay pangarap, pag-asa o ambisyon.
Taglay ng kasuotan ni Manalo ang kultura sa pagtanggap at pagkilala ng Pilipinas sa Kristianismo at Islam.

Ang telang ginamit sa kasuotang ito ay “inaul” na tradisyonal sa Mindanao. Narito ang imahe ng Our Lady of Good Voyage o Black Madonna na Our Lady of Antipolo na nagmula pa sa Mexico. May accessory ding “tongkaling” bells na naglilikha ng ingay habang inirarampa ang kasuotan.
Sa titulong natanggap, si Manalo ang nangibabaw kung saan sinundan ito nina Emilia Dides ng Chile (second) at Nguyen Cao Ky Duyên ng Vietnam (third).

Noong nakaraang Miss Universe, si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee ang hinirang na Best in National Costume.
Bago ang pagkilalang nakamit na ito ni Manalo, hinirang siya bilang first titleholder na Miss Universe Asia na bahagi pa rin ng Miss Universe.


