Carcinogens: banta sa kalusugan

Delikado sa pagkakaroon ng cancer

carcinogens

Sa pag-aaral, ang kanser ay dahilan ng mga pagbabago sa ilang partikular na genes na nagbabago sa paraan ng paggana ng ating cells. Ang kanser din ay tungkol sa hindi nakokontrol na paglaki ng cell. Mas unawa natin na ang cancer ay isang sakit – sakit na kumikitil sa mahigit walong milyong katao sa buong mundo kada taon. Kada taon din ay mahigit naman sa 14 milyong bagong mga kaso nito ang nagsusulputan. Isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng cancer ay ang carcinogens? Ano ba ito? Ang carcinogens ay substance na pupuwedeng kemikal sa mga pagkain, hangin o produktong ginagamit. Ang carcinogens at ang tsansa na magkaroon nito ay depende kung gaano tayo kalantad dito at puwedeng dahil sa genes.

Paano nakaaapekto ang carcinogens sa pagkakaroon ng cancer?

Ang carcinogens ay nagiging sanhi para masira ang DNA o deoxyribonucleic acid, na isang mahabang molecule na naglalaman ng natatanging genetic code o impormasyon sa ating cells. Maaaring makasira nang direkta ang isang carcinogen ng DNA at maging sanhi ng mga pagbabago na tinatawag na mutations. Ang mga ito ay humahantong sa pagsira sa normal na proseso ng paglaki at paghahati ng cells. Sa pagsusuri, ang isang carcinogen ay puwedeng magdulot ng pinsala at pamamaga, na nagreresulta sa mas mabilis na paghahati ng cells. Palaging may posibilidad na magkaroon ng mutation kapag nangyari ito, na nagpapataas naman ng tsansa na magkaroon ng cancer.

Saan pa maaaring makuha ang carcinogens?

1. Processed meats. Mahilig kayo sa hotdogs, sausages, bacon, ham, salami, tocino, longganisa, at iba pang uri ng processed meats? Naku, delikado tayo sa mga ito dahil mataas ang posibilidad na pagmulan ito ng colon cancer. Ang mga karneng dumaan sa proseso ay inihanay ng World Health Organization sa Group 1 carcinogen na siyang nagiging sanhi ng cancer. Sa pag-aaral pa, “Meat is the new tobacco.”

Sa maraming pag-aaral, kapag mahilig, madalas o palagi tayong nakain ng processed meats ay nalalagay sa peligro ang ating kalusugan.

Ang iba pang uri ng processed foods ay mga de lata o ang mga pagkaing maasin, fermented, cured o smoked.

2. Polusyon. Ang karumihan ng hangin sa labas ay naglalaman ng alikabok, traces ng metals, o solvents na hahantong sa cancer.

Iwasan ang palaging paglalakad sa kalsada na pinupuno ng iba’t ibang uri ng sasakyan. Kung hindi ito maiwasan ay mag-mask upang hindi malanghap ang delikadong usok.

Iwasan din ang indoors kapag hindi maganda ang hangin dito.

Kung nagpapakarga ng diesel sa gasoline station ay mainam na takpan ang ilong at bibig upang hindi malanghap ang masamang amoy nito.

3. Malutong, brown na mga pagkain. Nasa paraan din ng pagluluto makukuha ang carcinogens. Iwasan ang mga pagkaing niluto sa mataas na temperatura partikular sa sinasabing “golden brown” dahil ang mga ito ay nagbibigay ng acrylamide. Tulad nito ay pagpiprito, pagbi-bake, o pag-iihaw.

Ang nasunog o uling na parte ng inihaw ay maaaring pagmulan ng carcinogens na puwedeng mag-ambag sa pagkakaroon ng colon cancer.

4. Acrylamide. Ang kemikal na acrylamide ay palagi ring ginagamit sa paglikha ng mga papel, tina at iba pang industrial products. Maaari rin itong makuha sa mga sigarilyo.

5. Alcoholic drinks. Sa paggawa ng inuming nakalalasing ay nabubuo ang carcinogens.

6. Insecticides. Maaaring makuha ang carcinogens sa insecticides o ibang lawn care products.

7. Tambutso ng mga sasakyan. Ang mga sasakyang pinagagana ng diesel fuel tulad ng bus, kotse o tren ay pinagmumulan ng tumor sa baga at iba pang uri ng cancer.

Maaaring mapabubuntong-hininga na lamang tayo dahil napakarami palang banta sa pagkakaroon ng cancer.

Pero may choices tayo para makaiwas. Tamang disiplina at pag-unawa sa kahalagahan ng kalusugan ang dapat nating laging tandaan, dahil kung hindi sadyang mapapadali ang ating buhay.