Capstone-Intel nakikipag-ugnayan sa gobyerno sa pagtugon mental health issues

Naging mas mahalaga ngayon ang paksa ng talakayan at pag-aalala hinggil sa kalusugang pangkaisipan. Sa mas pasulong na galaw ng teknolohiya at modernong buhay, ang pagpapanatili sa mental health ay hindi kailanman naging mas maliwanag.

Sa isinagawang media launch kamakailan ng Capstone-Intel Corporation, ang pinakasentro ng diskusyon ay ukol sa isinagawa nitong nationwide survey noong Setyembre 20 hanggang 27, 2023 na mayroong 1,210 respondente.

Dumalo rito ang board members ng Capstone-Intel na sina Mr. Eero Brillantes (Chairperson, President, at CEO), Dr. Guido David (Chief Data Scientist), Atty. Nic Conti (Chief of Public Affairs), Geraldine Torres-Brillantes (COO at Chief of Development Communication Studies), at Ella Kristina Coronel (Research and Publications Director).

Bilang research agency, nakatuon ang Capstone-Intel sa aktibong pagsuporta at pagsulong sa misyon nito na mapagaan ang implementasyon ng mga programa ng gobyerno sa pamamagitan ng mga inisyatiba nito sa pananaliksik.

“The first stage ng aming ginagawa is to get the public and the officials to be aware of our survey findings on mental health and then from there we will engage the necessary government agencies to share with them the data that we have gathered. Lastly, ‘pag mayroong LGUs na lalapit sa amin para magpatulong in terms of getting the survey when it comes to mental health gagawin namin iyan. We’ve been conducting briefing sa government agencies sa varieties of issues,” ani Mr. Brillantes.

Sa naging presentasyon sa media hinggil sa kinalabasan ng survey, tinanong ang mga respondente sa kabuuan ng kanilang mental health at well-being. Ang resulta ng kanilang sariling pagsusuri ay nagsasabing 52% sa mga ito ay mabuti, 33% ay mahusay, 13% ay katamtaman, at 2% ay mahina. Gayunman, nag-alala si Dr. David sa antas ng katamtaman at mahinang mental health.

“What’s clear about this information, alarmingly ang 15% dahil medyo mataas ‘yon. That’s more than one out of ten (people),” pahayag ni Dr. David. Iginiit nito ang importansya ng pagtugon sa isyu sa pagbibigay ng halimbawa.

“I am also aware sa schools and universities, there is relatively under staff ang psychological team nila, which means ang guidance counselor nila ay isa lang sa buong school. These are policies that we must reevaluate. The world is different now, and we must face these modern challenges, including depression, so we have to scale up ang staffing natin. And because they are under staff it’s difficult for them to reach out to students who are having issues na hindi na pala nila alam (na issue na). Culturally, nahihiya ang mga bata na lumapit kasi they’re different. If there’s more staff, then we can actually be more proactive than reactive lang,” paliwanag ni Dr. David.

Samantala, nagpaliwanag din si Atty. Conti na sentro sa kritikal na usaping sa pamamahala sa kalusugang pangkaisipan sa lipunan.

“Ang isa pang problema natin ay ‘yong (halimbawa) tao dine-deny niya na na mayroon siyang issues. Ang dapat kung may issues ka sa mental health, you seek support and guidance, ‘Mayroon ba akong diperensya?’ Kung ikaw mismo ay hindi mo alam na ‘yon ay issue na sa mental health then you will deny na may issue,” paliwanag ni Atty. Conti.

Lumabas din sa survey na 21% sa mga respondente ang nagpakonsulta sa mental health professional, na nagsasabing mayroong kakulangan dito hinggil sa inisyatiba ng pamahalaan at suporta ng lipunan.

“Isa sa mga dahilan na kaunti ang nagpapakonsulta sa professionals regarding mental health among others ay ‘yong mismong professionals ay kulang. Bahagi ng survey na ipakita hindi lamang sa publiko pero lalo na sa gobyerno na sana magkaroon ng polisiya to encourage more professionals that will take up courses relating to mental health. Dapat ma-integrate ang pagkakaroon ng mental health services sa general health services,” dagdag pa ni Atty. Conti.