Buwan ng Wika: Parangal sa wikang Filipino, pamanang kultural

Ang Buwan ng Wika ay taunang pagdiriwang sa Pilipinas na nagaganap tuwing Agosto.

Tulad ng sining, ang wika o lengguwahe ay may pangunahing papel sa paghubog ng pagkakakilanlan at kultura ng isang bansa. Ito ay nagsisilbi hindi lamang bilang isang pangunahing paraan ng komunikasyon sa mga mamamayan nito kundi bilang isang repositoryo ng kasaysayan, tradisyon, at mga halaga na ipinasa sa mga henerasyon.

Ngayong Agosto ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Dito ay pinaparangalan ang kahalagahan ng wikang Filipino at ng sari-saring pamana nitong linggwistika.

 

Kasaysayan ng pagdiriwang

Ang pagdiriwang ng kaganapang ito ay nagsimula noong 1935 o Commonwealth era, sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, na kadalasang tinatawag na “Ama ng Wikang Pambansa.” Itinaon ito sa buwan na ito dahil ang kaarawan ni Quezon ay Agosto 19.

Noong 1946, itinakda ang Tagalog bilang Pambansang Wika. Ngunit dahil nagkaroon ng kalituhan sa Tagalaog, Pilipino o Filipino, nilinaw noong 1973 na Filipino ang Pambansang Wika.

Sa panahon naman ng pamumuno ni dating Pangulong Sergio Osmeña noong 1946 ay hinirang na Linggo ng Wika ang Marso 27 hanggang Abril 2 – hindi Agosto.

Nang maupo naman si dating Pangulong Ramon Magsaysay, inilipat niya noong 1946 ang petsa ng pagdiriwang sa Agosto 13 hanggang Agosto 19 na siyang nakasaad sa Proclamation No. 186 dahil mas makapagdiriwang ang lahat partikular ang mga estudyante sa panahong ito dahil may pasok sa paaralan.

Samantala, nang mamahala naman noon si dating Pangulong Fidel Ramos ay inilabas niya ang nilagdaan nitong Proclamation No. 1041 noong 1997 na nagpapatupad na ang Linggo ng Wika ay maging Buwan ng Wika upang mas malawak at matagal ang pagdiriwang sa lengguwahe ng mga Pilipino.

Ang pagdiriwang ay nasa pamamahala rin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kung saan isinasaad nito na hindi lamang Filipino ang dapat kilalanin kung hindi maging ng iba pang mga wika at diyalekto sa Pilipinas.

Ang KWF ay nagsisilbing opisyal na awtoridad sa regulasyon para sa wikang Filipino at ang itinalagang institusyon ng pamahalaan na responsable para sa pagpapaunlad, pangangalaga, at pagtataguyod ng magkakaibang mga lokal na wika ng bansa.

 

Pagkakaiba ng wika/lengguwahe sa diyalekto

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroong 135 lengguwahe ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang Tagalog ay isang wika o lengguwahe. Samantala ang diyalekto ay tulad ng Tagalog-Bataan, Tagalog-Nueva Ecija, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Rizal, Tagalog-Laguna, Tagalog-Batangas, Tagalog-Quezon, Tagalog-Mindoro, Tagalog-Marinduque, at Tagalog-Palawan. Samakatuwid, ang wikang Tagalog ay may 10 diyalekto.

Samantala, walang katiyakan kung ilan ang diyalekto o wikain na ginagamit natin.