Buni: maaaring lumala at makahawa

Ang hitsura ng buni na kadalasang bilog, mapula, malambot. makati (mas makati kung hahawakan), nagkakaliskis, medyo nakataas nang kaunti ang balat na apektado nito at clear ang balat sa gitna nito.

Ang buni ay isang uri ng sakit sa balat na kahit sino ay maaaring maapektuhan nito.

Mahahalatang buni kung ito ay hugis bilog, mapula, malambot at mas makati kung hahawakan, nagkakaliskis, medyo nakataas nang kaunti ang balat na apektado nito at clear ang balat sa gitna nito.

Ang pagkakaroon ng buni ay dahil sa isang fungal infection. Ang fungi ay naninirahan sa dead skin cell ng inyong katawan. Maaaring ang fungi na ito ay nasa mga alagang hayop o nasa lupa o kagamitan.

Ringworm sa Ingles ang buni pero walang bulate involved dito. Nakukuha ang fungi nito kung ito ay nahawakan mula sa tao (skin-to-skin contact), hayop, lupa o mga bagay (mga damit, towels, TV, remote controls, sa ibabaw o gilid ng upuan at iba pa).

Tumutubo ang buni sa anumang parte ng katawan. Ito ay nakahahawa at maaari itong dumami o kumalat pa sa ibang parte. Ang ibang pasyente ay maaaring dapuan nito sa anit at kalaunan ay malalagas ang buhok kung saan naroon ang buni.

PAANO SINUSURI ANG BUNI?

Kukuha ang doktor ng sample ng manipis na balat (sa pamamagitan ng pagkayod) na may buni at ilalagay ito sa microscope.

Dito susuriin kung anong klaseng sakit sa balat ito dahil ang buni ay may kahawig ding ibang skin problems.

Ang gamutan ay depende sa kung saan nakalagay ang buni at kung gaano ito kalala. Karaniwang ipinapayo ng doktor ang paggamit ng ng antifungal creams, lotions, o powder para sa buni na mabibili nang over the counter sa mga botika.

Ang gamutan ay natatapos sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo. Ito ay upang masigurong patay na ang fungus na dahilan ng buni. Remedyo rin ito para bumaba ang tsansang bumalik ang buni sa balat.

Kapag malala ang kaso ng buni, magrereseta ang doktor ng mas matamang na gamot.

PAANO MAIIWASAN ANG PAGKAKAROON NG BUNI?

– Maging malinis sa katawan at panatilihing tuyo ito

– Iwasang mag-ulit ng mga damit o gamit na sinusuot gaya ng tee shirts, medyas o sapatos na marumi

– Iwasang manghiram ng mga personal na gamit tulad ng tuwalya, damit, medyas, panyo at iba pa

– Iwasang gumamit ng mga pampublikong comfort rooms o sa ibang palikuran na kitang-kitang marumi

– Magpakonsulta sa dermatologist para sa tamang gamutan kapag ang buni ay lumampas nang dalawang linggo

– Maaaring bumili sa botika ng antifungal creams, lotions, o powder para sa sakit na ito

– Iwasang lumapit sa alagang hayop na may buni o kaya’y maghugas agad nang mabuti ng mga kamay matapos silang hawakan. Isangguni sila sa vet upang agad silang magamot