
Higit pa sa isang traditional book launch, natatangi ang pasasalamat ni Boots Anson Roa-Rodrigo sa pormal niyang pagpapakilala sa kanyang librong “Grateful” na ginanap sa 87-year-old Kamuning Bakery Café sa Quezon City noong May 23.
Ang aktres ang kasalukuyang Chairperson ng Movie Workers Welfare Foundation (MOWELFUND), isang grupong nag-aalok ng pinansiyal at medikal na suporta sa mga mahihirap na manggagawa sa industriya ng pelikula. Ito rin ang magiging beneficiary ng proceeds mula sa mga kikitain ng kanyang inspirational book.
“This was around 10 years in the making. Matagal na ito,” sambit ng beteranang aktres. Isinulat kasama si Jennie Leuterio Ilustre, ang “Grateful” ay puno ng obserbasyon, aral sa buhay, at motivational na kwento mula sa karera ni Rodrigo bilang isa sa mga pinakamalaking bituin sa Pilipinas.
Sa naturang event, mga kilalang political at entertainment personalities ang pangunahing sumuporta sa aktres kabilang sina Senator JV Ejercito, Quezon City Mayor Joy Belmonte, former Senator Nikki Coseteng, QC 4th District Cong. Bong Suntay, Bibeth Orteza, at iba pa.
