Biyahe ng EDSA Carousel 24/7 na

Ang EDSA Carousel na Libreng Sakay na programa ng Department of Transportation. Mas pinahaba na ang operasyon nito na 24/7 na sinimulan ng Disyembre 1, 2022 hanggang Disyembre 30 ng taong kasalukuyan. (Kuha ng Bilibb)

Sinimulan ng Disyembre 1, ang EDSA Carousel na Libreng Sakay ay mayroon nang 24 oras na operasyon araw-araw na magtatapos hanggang Disyembre 30, 2022 bilang anunsyo ng Department of Transportation (DOTr).

Tuwing panahon ng Kapaskuhan masyadong abala ang lahat maging ang mga kalsada tulad ng Epifanio de los Santos Avenue o EDSA. Ang magdamagang operasyon na ito ng programa ay mas malaking ginhawa at tipid ito sa mga regular nang nasakay ng naturang bus.

Ang implementasyon ng bagong sistema ngayon ay mas pinaganda dahil sa ipinasang Board Resolution 174 para sa 24-hour na libreng sakay. Ito ay sa kabila ng kakulangan ng pondo para sa service contracting policy ng pamahalaan sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program.

Ang dagdag na mga oras para sa programa ay upang makapagsakay pa ng mas maraming commuters na gagamit ng EDSA na isinabay din sa mas pinahabang oras ng pagbubukas ng mga mall na sinimulan noong Nobyembre 14, 2022 na magtatapos sa Enero 6, 2023 mula 11 ng umaga hanggang 11 ng gabi.

Ang EDSA Carousel bus ay may balikang ruta sa Monumento sa Caloocan City station hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX sa Parañaque City.

May tag-limang lanes sa bawat panig ng EDSA, dalawa sa gitna ng 10 lanes na ito ay nakalaan lamang para sa EDSA Carousel. Ang sariling lane ng Libreng Sakay ay hindi nakararanas ng mabigat na daloy ng trapiko na nasa private lanes.