“Bisita, Be My Guest” proyektong pang-angat ekonomiya ng Pinas

Sa inilunsad na proyekto ng Department of Tourism para sa pag-angat ng ekonomiya at turismo ng bansa, pinangunahan ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang “Bisita, Be My Guest” (BBMG) na ginanap sa SM Mall of Asia noong Disyembre 15, 2022.

Sa naging tala ng industriya ng turismo sa nasabing petsa, nagkaroon tayo ng 2,397,919 air visitors. Ito ay nagmula sa bilang ng mga bisita mula sa United States na may 447,278; South Korea na may 374,097; Australia na may 118,228; Canada na may 109,041; at United Kingdom na may 90,196. Malinaw itong senyales na may dagdag insentibo ito sa pondo at trabaho ng bansa.

Ang BBMG na proyekto ay isang incentivized promotional campaign kung saan ang mga Pinoy, partikular ang Overseas Filipino Workers at Overseas Filipino na mag-aanyaya sa mga banyaga na bisitahin ang Pilipinas ay mabibigyan ng raffle tickets na may tsansa na mag-uwi ng special prizes. Ang rehistradong partisipante ay magkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng diskwento/espesyal na mga halaga at packages habang nasa campaign period gamit ang Bisita, Be My Guest Travel Passport and Privilege Card.

Ang kampanya ay magsisimula sa Enero 1, 2023 hanggang Abril 30, 2024.

Ang proyekto ay binuo sa pakikipagtulungan ng Department of Migrant Workers sa pangunguna ni Secretary Susan “Toots” Ople, Tourism Promotions Board at mga pribadong sektor tulad ng SM Supermalls.

Si Tourism Secretary Ma. Christina Frasco habang nagbibigay ng pahayag sa paglulunsad ng proyektong “Bisita, Be My Guest” na kikilala sa partipasyon ng Overseas Filipino Workers at Overseas Filipino sa pag-angat ng ekonomiya at turismo ng bansa. Ang okasyon ay ginanap sa SM Mall of Asia sa Pasay City noong Disyembre 15, 2022. (Kuha ng Department of Tourism)

“By combining the aspects of rebuilding trust and confidence in traveling to the country; working hand in hand with our stakeholders, adapting products and services as well as the shift to digital, we are empowering fellow Filipinos to become part of nation-building by inviting visitors to visit the country through our online referral program,” ani Frasco.

Sa paglulunsad ng “Bisita, Be My Guest”, pinangunahan ito nina Tourism Secretary Ma. Christina Frasco (kaliwa) at Migrant Workers Secretary Susan Ople sa SM Mall of Asia music hall sa Pasay City noong Disyembre 15, 2022. Ang bulwagan ay pinuno ng mahigit sa 250 industry leaders at representatives mula sa public at private sector at media.

Suporta pa para sa BBMG

Sa pre-recorded messages, nagpaabot ng suporta sa “Bisita, Be My Guest” (BBMG) sina First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos at Vice President Sara Duterte.

“We all know that the Filipinos are the most hospitable people in the world and I’m sure this will be a great factor in the success of this program,” ayon sa Unang Ginang. “We really need to bring in more tourists to the Philippines because we want to show how hospitable we are, how kind we are, and how good we are at letting them feel at home.”

Malinaw din ang pahayag ni VP Duterte na, “May your concerted efforts in this regard promote the beauty of our country’s destinations and sustain the progress of our local communities in various regions.”

Bilang ng OFWs

Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong Abril hanggang Setyembre 2020 ay tinatayang 1.77 milyong Pilipinong manggagawa ang nasa ibang mga bansa. Ang 26.6% ng bilang na ‘yon ay nasa Saudi Arabia habang 14.6% ay nasa United Arab Emirates. Samantala, 6.7% ng OFWs ay nasa Europe habang 5.2% ang nasa North at South America at 3.4% ang nasa Australia. Ang malaking porsyento naman ng populasyon ay nasa Asya tulad ng Kuwait, Hong Kong, Qatar, at Singapore.

Ang naturang proyekto ay kinabibilangan ng Raffle Promo, BBMG Travel Passport, at BBMG Privilege Card.

Mistulang kapistahan ang inilunsad na “Bisita, Be My Guest” o BBMG na isang kampanya ng Department of Tourism sa pangunguna ng kalihim nito na si Christina Garcia Frasco noong Disyembre 15, 2022 sa SM Mall of Asia sa Pasay City. Ang kampanya ay upang kilalanin ang pagsisikap pa ng mga Overseas Filipino Worker at Overseas Filipino na mapaangat ang ekonomiya ng bansa. (Kuha ng Bilibb)

Ang mga papremyo sa BBMG

Kabilang sa mga premyong ipapamimigay sa “Bisita, Be My Guest” o BBMG ay isang condominium, isang kotse at vacation travel packages.

Raffle Mechanics

Ang mga partisipante ay maaaring maging isang Sponsor o Invitee. Sponsor ang tawag sa isang indibiduwal na mag-aanyaya ng isang hindi Pinoy na bisita na bumiyahe sa Pilipinas sa loob ng campaign period. Ang Invitee ay ang isang indibiduwal na inimbitahan ng Sponsor at nakapagbiyahe sa Pilipinas.

Ang petsa ng raffle draw ay iaanunsyo sa hinaharap.

Kwalipikasyon ng Sponsors at Invitees

Sponsors: OFWs, mga Pinoy na may dual citizenship na nasa Pilipinas o ibang bansa bilang residente, at lahat ng mga Pinoy na nasa tamang edad.

Invitees: Sinumang banyagang may pasaporte na hindi Pinoy at nasa tamang edad na nakabiyahe sa Pilipinas sa espesipikong panahon. Kasama rito ang mga Pinoy na may dual citizenship na naninirahan sa ibang bansa para sa maximum na anim na buwan bago ang kampanya, nasa tamang edad, at nakabiyahe sa Pilipinas sa espesipikong panahon.

Para sa kumpletong impormasyon ng kampanyang ito, magsadya sa official BBMG website: http://bbmg.philippines.travel.