“Binurda” ng CCP hinangaan sa gitna ng ulan

Ang Cultural Center of the Philippines kung saan ginanap ang kanilang taunang programa sa panahon ng Kapaskuhan na tinawag na “Binurda”, isang Christmas Show at Building Façade Lighting noong Disyembre 15, 2022. (Kuha ng Bilibb)

Sa panahon ng Kapaskuhan, naramdaman ng mga manonood ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang kanilang enggrandeng programa para ipagdiwang ang sining at kultura ng mga Pilipino sa kanilang “Binurda”.

Sinimulan ng dapithapon noong Disyembre 15, 2022, ang Binurda ay nagpamalas ng holiday spectacle dahil sa magagandang pailaw nito sa harapan ng gusali ng CCP na taunang ginaganap.

Ang Christmas display na ito ay sinabayan ng konsyerto na may pagtatanghal ng Bayanihan, National Dance Company of the Philippines, Nightingales, Male Ensemble of the Philippines at ang SB19 na kilalang Pinoy pop group na lalong nagpabuhay sa hindi pangkaraniwang programa.

Ang pagtatanghal ng Pinoy pop group na SB19 sa gitna ng ulan sa “Binurda” na taunang Christmas lighting show sa harapan ng Cultural Center of the Philippines sa Pasay City. (Kuha mula sa official Twitter account ng SB19)

Sa kalagitnaan ng palabas na bumuhos ang ulan, pinatunayan ng mga artista sa entablado na “the show must go on” at dito ay hindi nagpatinag ang presentasyon ng Binurda na lalong hinangaan sa pamamagitan ng hindi maawat na hiyawan ng mga manonood.

Ang pananatili ng performers ay solido ring sinuportahan ng CCP President na si Margie Moran-Floirendo na hindi umalis sa kanyang upuan hanggang sa matapos ang palabas.

Ang Binurda ay nasa sa konseptuwalisasyon ng CCP Production Design and Technical Division chief na si Ricardo Eric Cruz kasama ang kanyang team. Ito ay tumatampok sa symbolic callado, ang kumplikadong embroidery at needlework detailing sa piña jusi textile.

Ang façade decorations na ito ng CCP ay makikita hanggang Enero ng susunod na taon.