Binibining Pilipinas umatras na sa Miss Grand Int’l

Umatras na ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) sa partisipasyon at pagsali nito sa mga susunod na taon sa Miss Grand International, ang tanging international pageant na hindi pa napapanalunan ng isang Filipina sa 10 taon nitong kasaysayan.

Sa Facebook page nitong Nobyembre 7, sinabi ng tagapagsalita ng BPCI na si Ginoong Gines Enriquez ang kanilang naging desisyon sa usapin, “Bb. Pilipinas officially withdraws from Miss Grand International and will no longer renew its franchise. We thanked the organizers of Miss Grand International and wish them the best in their future endeavors.”

Dagdag pa ni Enriquez na patuloy ang commitment ng BPCI na tumuklas at magbigay ng pagkakataon sa mga Filipina na ipamalas ang kanilang ganda at talino na lubos na hinahangaan sa international stage.

Ang opisyal na pahayag ng Binibining Pilipinas sa pag-atras sa Miss Grand International. (Binibining Pilipinas Facebook page)

Base sa mga malakas na ugong, ngunit hindi pa kumpirmadong balita, magkakaroon muli ng hiwalay na national pageant ang Miss Grand International sa Pilipinas. Nauna nang mayroong hiwalay na Miss Grand Philippines na inorganiza noong 2014 pagkatapos manalo ni Ali Forbes ng 3rd up sa unang taon ng pageant noong 2013. Ang unang Miss Grand Philippines noon ay pinamunuan ng namayapa nang si John Edward Dela Vega, isang tanyag na beauty queen discoverer at mentor.

Mula kaliwa – Ang namayapang pageant producer at queen maker na si John dela Vega, Miss Grand International 2013 Janelee Chaparro, Miss Grand Int’l 2013 3rd Runner Up Ali Forbes, at Miss Grand International director Mr. Nawat Itsaragrasi. (Andy Cayna)