Bibingka, binalay at inatata: Pamutat ng Isabela

Ang inatata na isang klase ng kakanin ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)

Sa mga kakanin, patok sa ating mga Pinoy ang suman pero dahil may iba’t ibang uri nito ay binabalik-balikan bilang pamutat o dessert.

Isang ipinagmamalaking kakanin ng Isabela ay ang kanilang mga suman. Ang isang halimbawa nito ay ang inatata (salitang Ibanag). Halos pareho rin ang mga sangkap nito sa ibang suman. Mayroon itong malagkit na bigas, gata ng niyog, asukal na pula, at asin. Sa iba ay nilalahukan ito ng kalamansi.

Ang isang kakaiba sa suman na ito ay ang latik na hinahalo mismo sa suman, kaiba sa mga sumang nasa ibabaw ang latik. Kapag naluto na ang suman ay ibinabalot sa dahon ng saging ngunit ang sukat ng mga ito ay tulad lamang ng ating mga daliri at pagsasama-samahin na may tali. Mapapansin na kung tatanggalin na sa pagkabalot ay batik-batik ang hitsura ng inatata.

Inatata (Kuha ng Bilibb)

Sa pagiging pamoso ng suman ay binigyan pagkilala pa ito sa pagkakaroon ng Inatata Festival ng Sto. Tomas, isang munisipalidad na matatagpuan sa hilagang parte ng Isabela.

Maliban sa inatata mayroon ding silang binalay na klase ng suman na may hawig sa palitaw. Malagkit na bigas din ang gamit at gata ng niyog. Mayroon itong sauce na latik na may muscovado na asukal na siyang nagpapaiba sa sarap ng uri ng kakanin na ito.

Binalay (Kuha ng Bilibb)

May tinatawag din silang bibingka na masarap din habang mainit-init na puwedeng itambal sa kape o mainit na tsokolate. Angat kasi ang lasa ng bibingka dahil sa gatang lahok nito at mayroon ding latik sa ibabaw.

Bibingka (Kuha ng Bilibb)

Sa ganitong klase ng mga kakanin ay masasabing perpektong pasalubong ito mula sa Isabela kung kaya naging mabenta rin sa katatapos lamang na 2023 Bambanti Festival. Isang pasalubong sa mahihilig kumain ng kakanin – dikit talaga rito ang kasabihang “Kanin is Life!”