“Betty” humina mula sa pagiging super typhoon

Mula sa pagiging super typhoon, ibinaba sa kategoryang typhoon ang binabantayan na lagay ng panahon na “Betty” habang patuloy sa paggalaw patungong karagatan ng bansa.

Sa 11 p.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 895 km Silangan ng Gitnang Luzon o 935 km Silangan ng Hilagang Luzon.

Napanatili ng bagyong “Betty” ang lakas ng hangin nitong 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 215 km/h. May galaw itong pakanluran sa bilis na 25 km/h.

Ang galaw ng Bagyong “Betty” ayon sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

LGUs sa Metro Manila nakahanda

Dahil sa inaasahang epekto ng Bagyong “Betty” patuloy itong inoobserbahan ng PAGASA.

Kaugnay nito, nakaantabay na rin ang local government units (LGUs) sa Metro Manila upang paghandaan ang kanilang mga magagawa para maiwasan ang negatibong resulta ng nasabing bagyo kung saan posible rito ang mga daluyong o storm surge.

Ilan sa inihahanda ng LGUs ay ang rescue equipment, evacuation centers sa iba’t ibang lugar sakaling magkaroon ng sunod-sunod na malalakas na pag-ulan na posibleng samahan ng mga pagbaha.

Kinansela rin ang mga day off ng mga empleyado at iba pang tauhan na may kinalaman sa disaster risk reduction management.