Best soups sa mundo: Sinigang na baboy, bulalo

Sinigang na baboy

Patok ang sinigang na baboy at isa sa mga numero unong pagkain nating mga Pinoy. Ngunit ang masarap na balita? Isa ito sa 50 Best Soups in the World ayon sa international food database na Taste Atlas.

Ang current ranking na may timeline na April 2023, ika-42 ang sinigang na baboy sa kanilang talaan.

Sa ating kultura, ang sinigang na baboy na siguro ang pagkaing hindi na dapat pagtalunan pa dahil gutom ka man o hindi ay tiyak na mapapakain ka nito. Sa parte ng baboy, masarap ang buto-buto habang sa iba ay liempo naman ang hanap. Masarap ang sinigang kung balanse ang anghang nito na nilahukan pa ng samu’t saring gulay.

Sa hilig din nating magluto ang uri ng sinigang na ito ay napalawak pa kung saan maliban sa baboy ay maaari ring isahog ang baka, manok, isda, hipon at maging tahong. Ang mga ito ay may iba’t iba ring sarap na naibibigay kaya naman may mga lasa tayong pagpipilian.

Maliban sa sinigang na baboy, pasok din ang ating bulalo o nilagang bulalo ng baka na nasa ika-43 sa talaan ng nasabing kilalang online gastronomic database.

Samantala, ang mga nasabing pagkain ay pasok na noong nakaraang buwan sa Taste Atlas pa rin para sa kanilang 50 Best Rated Soups in the World.

Nasa ika-46 ang sinigang na baboy noon habang ang tinolang manok ay nasa ika-29 puwesto. Nasa talaan din nila ang bulalo na ika-25 sa ranking.

Nagutom ka ba sa usapan? Kain na muna!