Bawas-featured services ng telcos habang nasa 90-day SIM registration

Matapos palawigin itong Abril 25 ang deadline sa pagrerehistro ng SIM (subscriber identity module) cards, ikinokonsidera ngayon na dahan-dahang babawasan ang featured services ng telcos (telecommunications companies).

Ang ideyang ito ay dahil sa hindi nagiging seryoso ang publiko sa pagsunod sa mga deadline na ibinigay, ayon sa Department of Information Communications Technology (DICT).

Nakikipag-ugnayan ngayon ang departamento sa telcos na habang nasa 90-day period ay oobserbahan nila ang datos ng rehistrasyon saka babawasan ang serbisyo ng telcos.

“We’re talking to our telcos that during the 90-day period, we will observe the rate of registration. After a certain period of time, we’re seeing maybe 30 days or 60 days into registration, we will start deactivating some services in the card,” ani Sec. Ivan John Uy ng DICT.

Sa tamang panahon din ay sinabi pa ni Uy na ang mga hindi rehistradong SIM subscribers ay maaaring hindi na maka-access sa social media sites gaya ng Facebook, Twitter at iba pa. May paglilinaw naman na makaka-text at tawag pa rin gamit ang telepono.

“And then after a certain period you will lose your outgoing calls so that way ramdam ninyo kung ano ang effect na hindi kayo nagpaparehistro,” giit pa ng DICT.