Bakit mas madaling malasing ang babae sa lalaki?

Baka kulang sa crucial enzyme?

alcohol

Mahina ang biological advantage ng mga babae kumpara sa mga lalaki pagdating sa alak. Ito ang pinakadahilan kung bakit madaling malasing ang mga babae kung ihahambing sa mga lalaki.

Alam natin na ang alkohol ay isang depressant dahil pinapabagal nito ang sistema ng central nervous system na nagpapahina sa koordinasyon ng motor, oras ng reaksyon at abilidad ng intelektwal.

PAANO PUMAPASOK ANG ALKOHOL SA KATAWAN?

Sa pag-inom ng alak, dumidiretso ito sa sikmura at sa maliit nating bituka at kinakarga ng maliit na blood vessels papunta pa sa daluyan ng dugo. Sa tinatayang 20 porsyento ng alak na napupunta sa sikmura habang ang 80 porsyento nito ay nasa maliit na bituka, may epekto na ang alak sa ating sistema.

Ang atay ang nagpoproseso ng alak at ang enzymes ang nagbi-breakdown o sumisira sa alak. Ang enzyme na tinatawag na alcohol dehydrogenase (ADH) ang sumisira sa alak bago pa ito pumasok sa bloodstream. May tamang dami lamang ng alak ang kayang iproseso ng atay, pero ang daming ito ay depende pa rin sa laki at abilidad ng atay. Kung sosobra sa alak, magiging babad ang ating sistema at ang iba pang alkohol ay mahahalo at maiipon sa dugo at tissue ng katawan hanggang sa maproseso ito.

ANO-ANO ANG MGA DAHILAN KUNG BAKIT MAS MADALING MALASING ANG MGA BABAE KUMPARA SA MGA LALAKI?

MUSCLE. Muscle ang isang dahilan kung bakit mas madaling malasing ang mga babae.

Paliwanag ng pag-aaral, kung ang isang tao ay mas maraming muscle tissue, ang kanyang muscle ay mas maraming tubig kaysa taba, dahilan para mas lumabnaw ang alkohol. Isa pang paliwanag dito, dahil sa mas karaniwang malaki ang katawan ng lalaki, mas marami silang tubig sa katawan: 52% sa babae habang sa lalaki ay 61%. Kapag mas maraming tubig sa katawan, mas madaling makahina ito ng epekto ng alkohol.

FATS. Sa parehas na laki o sukat ng katawan ng lalaki at babae, dahil mas maraming fats kumpara sa tubig ang katawan ng mga babae umaabot sila sa tinatawag na higher blood concentration. Ang tubig ang tumutulong sa pag-dilute ng alkohol.

HORMONES. Ang pagkakaiba ng hormones ng mga babae sa lalaki ay may epekto rin kapag nasa katawan na ang alkohol o ang alcohol metabolism. Ang malinaw na halimbawa nito ay kapag may buwanang regla ang babae o bago pa ang kanyang “dalaw”. Sa puntong ito ay humihina at bumabagal ang alcohol metabolism kaya ang alkohol ay mabilis na nakapapasok sa daluyan ng dugo.

CONTRACEPTIVE PILLS. Maaari ring sisihin ang pag-inom ng contraceptive pills dahil pinababagal din nito ang pagpoproseso ng alak sa katawan.

ENZYME. Mahina rin ang enzyme na ADH sa atay at sikmura ng mga babae. Ang ADH na ito ay ang dumudurog sa alkohol at mas mayroon nito ang mga lalaki. Sa kahinaan o kakulangan ng ADH sa katawan ng babae, ang alkohol ay mas madaling makapasok sa kanilang bloodstream.

Ang espekulasyon pa ng researchers, ang kakulangan ng dami ng crucial enzyme, nawawalan ng panlaban ang sistema ng mga babae sa lining ng kanilang sikmura. Kapag nagsisimula nang uminom ang mga babae, nagsisimula na rin ang pagkasira ng kanilang katawan – kalaunan ay purong alak na ang napupunta sa kanilang dugo at sa atay.

Dahil sa mga nabanggit, kailangang mas maging maingat ang babae at huwag sumabay sa mga lalaki sa inuman – lalo na kung “pa-morning-an.” Sa ganyang dahilan din ay madaling makakukuha ng sakit sa atay at puso. Nasisira rin ng alak ang mga ugat sa katawan.

Sa maraming pag-inom ng alak o pagiging lango rito, ang respiratory system ay bumagal nang husto at maaaring magdulot ng coma (kawalan ng malay) o kamatayan ng isang lasenggero. Dagdag pa rito, napakapeligroso na ang alcohol ay mahaluan ng ibang depressants tulad halimbawa ng tranquilizers o sleeping pills. Mayroong depressants din na kung tawagin ay “club drugs”: Gamma hydroxybutyrate o GHB, Rohypnol, at Ketamine. Ang paghahalo ng mga ito sa katawan ay nauuwi sa pagkawala ng memorya, pagkawala ng malay o kamatayan.