Baking, event management industries nagbabalik sa Bakery Fair 2023

Ang mga cake na kasali sa Bakers Cup Wedding Cake Competition bilang bahagi ng Bakery Fair 2023 na ginaganap sa World Trade Center sa Pasay City mula Marso 2 hanggang Marso 4, 2023. (Kuha ng Bilibb)

Ganadong-ganado ang unang araw ng pagbubukas ng Bakery Fair 2023 nitong Marso 2 sa World Trade Center sa Pasay City.

Ang Bakery Fair na nasa ika-12 edisyon ay isang international exhibition sa bakery, confectionary food service equipment, at supplies. Ito ay pormal na sinimulan ika-9 ng umaga na pinangunahan ni Senadora Imee Marcos.

Isa ang baked pastry na pretzel na may pambihirang laki na kinatutuwaan sa Bakery Fair 2023 sa World Trade Center. (Kuha ng Bilibb)

Ang isang ektarya ng exhibition center ay halos magmistulang malaki at nakaeengganyong bakery sa pagtitipon-tipon ng 136 exhibitors na pag-oorganisa ng Filipino Chinese Bakery Association, Inc. sa pangunguna ni President Gerik Chua at iba pang mga opisyales nito.

Malaking oportunidad ang okasyon sa muling pagbabalik ng Philippine baking at event management industries sa mas aktibong pagbubukas ng ekonomiya.

Iba rin ang disenyo ng fondant cake na ito na isa sa mga makikita sa Bakery Fair. (Kuha ng Bilibb)

Siksik sa mga aktibidad ang tatambad sa inyo sa pagpasok ng main hall kung saan naririto ang iba’t ibang display ng mga pruduktong bread and pastries, baking needs, at iba pa.

Kanya-kanya ng pasiklab at estilo ang exhibitors maipamalas lamang ang natatangi nilang mga produkto at serbisyo. Obvious ang mataas na level ng kanilang excitement dahil matapos ang apat na taon na nahinto ang okasyon dahil sa pandemya ay muli silang nagbabalik.

Ang iba’t ibang disenyo ng fondant cakes ng isang exhibitor sa Bakery Fair 2023. (Kuha ng Bilibb)

Masarap na patikim at kompetisyon

Sa loob din ng hall ay may iba’t ibang free taste ng mga pagkain at inumin. Hindi rin nawala ang technical seminars at product presentation ng exhibitors na maaaring pagkunan ng mga ideya lalo na kung papasukin ang pagnenegosyo na may kinalaman dito.

Ang mga hinahandang produkto para sa pang free-taste ng exhibitor bilang bahagi ng Bakery Fair 2023 na ginaganap sa World Trade Center sa Pasay City. (Kuha ng Bilibb)

Sa Bakery Fair na ito, pinakaaabangan din ang FCBAI Bakers Cup Wedding Cake Competition 2023 na nasa temang Kasalang Pinoy kung saan ang mga disenyo ng wedding cake ay panghihinayangan ninyong kainin sa ganda.

Ang Champion sa Bakers Cup Wedding Cake Competition 2023 na may premyong P80,000. (Kuha ng Bilibb)

Sa makabuluhang okasyon, dumalo rin dito ang mga senador na si Aquilino “Koko” Pimentel at Mark Villar. Gayundin, sumuporta sina Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto, dating Manila Mayor Isko Moreno, at iba pa.

Ang First Place sa Bakers Cup Wedding Cake Competition 2023 na may premyong P50,000. (Kuha ng Bilibb)

Ang Bakery Fair ay magtatapos hanggang Marso 4. Ito ay bukas sa publiko mula ika-10 ng umaga hanggang ika-8 ng gabi.

Para sa mga gusto pang humabol dito, magparehistro lamang sa link na ito https://www.bakeryfair.ph

Dumalo si Senadora Imee Marcos sa pormal na pagbubukas ng Bakery Fair 2023. (Kuha ng Bilibb)