Bagyong Francisco hahagupit sa Martes

Sa naging press conference ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang alas-11:00 ng tanghali, apektado ang pinakahilagang bahagi ng Pilipinas ng bagyong Francisco, na may international name na “Mekkhala”

Huling namataan ang bagyo sa layong 620 kilometers sa silangan ng Tuguegarao City ng Cagayan kaninang umaga. May taglay itong hangin na umaabot sa 155 kilometers per hour malapit sa sentro na may pagbugso hanggang 190 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyong Francisco pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour. Samantala, umiiral pa rin ang habagat (southwest monsoon) sa Visayas at Mindanao at Palawan.

Bukas, Martes, maaaring umabot sa 395 kilometers silangan ng Calayan na liblib na bayan sa Cagayan. Inaasahan din na bukas ang pinakamatindi ng lakas ng bagyo. Babagal naman ang kilos pagsapit ng Miyerkoles na nasa 275 kilometers ng silangan ng Basco, Batanes.

Samantala, sa Huwebes inaasahang ang kilos ng bagyo ay nasa katimugang bahagi na ng Japan habang sa Biyernes ay pahina pa ito at wala na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 nito sa Batanes, silangang Babuyan Islands, at hilagang-silangang bahagi ng Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana.

Ang malalakas na pag-ulan (50-100 kilometers) ay bukas ng tanghali hanggang Miyerkoles ng tanghali sa Cagayan, Batanes at Babuyan Islands na magtutuloy-tuloy ng Huwebes ng tanghali. Ang nabanggit na bilis ng bagyo ay maaaring magdulot ng pagbaha lalo na sa mababang lugar o ang pagguho ng lupa.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mga mandaragat na huwag munang pumalaot, lalo na sa eastern seaboards ng mainland Cagayan at Babuyan Islands, kung saan nakikitang ang mga alon ay mataas.

Ngayong taon, ang bagyong Franciso ay pang-anim sa Tropical Cyclone na pumasok sa PAR.