Artificial sweeter delikado sa pagkakaroon ng stroke, heart attack?

Mukhang mas dapat tayong maging maingat sa ating mga kinakain at iniinom.

Sa inilabas na pag-aaral noong Lunes ng Nature Medicine, ang mga zero-calorie o artificial sweetener na tinatawag na erythritol at kadalasang nilalagay sa mga pagkain at inumin ay may peligrong hatid at long-term na epekto sa pagkakaroon ng stroke at heart attack.

Ang mga artipisyal na pampatamis na ito ay kilalang panghalili sa tunay na asukal. Popular ito dahil naroon ang claim na ang mga low- and no-calorie sweeteners (LNCS) ay nagbibigay ng tamis sa mga pagkain at inumin na walang mga karagdagang calorie na nilalaman ng asukal.

“People are trying to do something healthy for themselves but inadvertently may be doing harm,” ayon kay Dr. Stanley Hazen, isang cardiologist sa Cleveland Clinic sa Amerika at awtor ng nasabing pag-aaral.

Paniwala ng marami na ang LNCS ay epektibo para sa pagpapanatili ng timbang, pagbabawas ng timbang, pamamahala ng diabetes, pagbabawas ng dental carries, at pagbawas sa mga panganib na nauugnay sa labis na katabaan.

Ang pag-aaral sa erythritol at epekto nito sa katawan

Sa pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa, ineksamin nila ang mga antas ng erythritol sa dugo ng humigit-kumulang 4,000 katao mula sa Amerika at Europa. Ang mga taong ito ay karamihang nasa edad 60 ay maaaring mayroon na o mas peligroso na para sa mga sakit sa puso dahil sa mga kondisyong diabetes at hypertension.

Sa pananaliksik ay nalaman na ang mga may pinakamataas na konsentrasyon sa dugo ng sugar substitute na erythritol ay mas peligroso na magkaroon ng stroke o atake sa puso.

Sa pag-aaral pa, sinabi ng mga mananaliksik na noong pinakain nila ang mga daga ng erythritol, nagresulta ito sa pamumuo ng dugo (blood clot). Lumalabas na ang erythritol ay nagiging dahilan ng pamumuo sa dugo at maging sa plasma ng tao.

Sa walong tao na mas pinipili ang erythritol sa tipikal na dami na isang pint ng keto ice cream o isang lata ng isang artipisyal na pinatamis na inumin, ang sugar alcohol ay nananatili sa kanilang dugo na mahigit sa dalawang araw.

Ang Nature Medicine ay isang medical journal na nilalathala ng Nature Portfolio sa Amerika. Naglalathala ito hindi lamang ng pangunahing pananaliksik kundi pati na rin ang mga pagsusuri, kritikal na komento, balita at pagsusuri. Nakatuon sila sa mga pag-aaral o reviews, perspective, at iba pang nilalaman na kinomisyon mula sa mga nangungunang scientist sa kanilang mga larangan upang magbigay ng mga eksperto at nakakonteksto na pananaw ng pinakabagong pananaliksik na nakapokus sa pagsulong ng medisina.