
Pagbabago sa lipunan, kaya ba? Paano kung ang pagiging isang “game changer” ay nagsisimula hindi kapag umakyat ka sa isang posisyon ng pamumuno, kundi kapag nagdesisyon kang makilahok nang aktibo?
May bagong handog na dula (play) ang Philippine Educational Theater Association (PETA) bilang pakikiisa sa Move to Change Foundation, Inc. (M2C) para sa Project GG: Game Changers for Good Governance. Pinamagatang “Gen G: GG na ’To!”, ang dulang ito ay iikot sa 12 paaralan sa bansa mula Setyembre hanggang Disyembre ng taong ito.
Interactive ang play at naiiba kung saan kasama ang audience at hinihikayat ito ng mga aktor na maging daan para kumilos ang iba pang aktor kung ano ang tama at dapat gawin habang umuusad ang kuwento na hindi nalalayo sa galaw ng ating lipunan – kaya lilitaw ang samu’t saring emosyon.
Youth expression ang “G” para sa “Game ka ba?” or “Go!” na maaaring masabi ng audience depende sa tinatahak na yugto ng inihahayag na kuwento ng dula. Kabataan ang mga bida at karamihang kabataan din ang audience kaya tiyak na “relate” at active sa partisipasyon.
Tungkol sa dula:
Isang grupo ng mga kabataan ang nakasakay sa balangay dahil umiiwas sa baha. Ang mga batang ito ay may iba’t ibang kakahayahang kailangang magtagpo para mailigtas ang kanilang mga sarili habang hindi pa nila kasama ang mas nakatatanda sa kanila dahil abala rin sa paghahanap ng ibang solusyon.
Sa tagal ng paghihintay sa tulong, nanatili sa kawalan ang mga kabataan. Ngunit dahil may audience, baka nasa kamay nila ang pag-asa ng mga kabataan na maiba ang tinatakbo ng kanilang kuwento at magkaroon ng kalayaan mula sa problema.
Kaninong boses ang titindig at magliligtas sa mga kabataan? Anong desisyon ang dapat mamayani? Sino ang magbabago sa katayuan nila sa balangay?
Ang proyekto ng PETA
Ang “Gen G: GG na ’To!” ay nagkaroon ng special viewing sa PETA sa Quezon City dahil nilalayon ng nito na magsimula rin sa kanilang bakuran ang kanilang layunin higit pa sa Gen G. Palalawigin ng organisasyon ang kampanya sa paglulunsad ng iba’t ibang mga programang pang-edukasyon at pang-engganyo. Ang mga inisyatibong ito ay mag-uugnay ng teatro sa pakikilahok ng kabataan, magtataguyod ng Global Citizenship Education, at magdadala ng mga pagbabago sa pagsasalaysay.
Ang dula ay binuo nina director Ian Segarra, playwrights na sina J-mee Katanyag at Jhudiel Sosa, musical director Kabaitan Bautista, set and props designer Julio Garcia, at costume designer na si Johnnie Moran.
Ang cast ay binubuo ng mga Kabataang performer na sina Lyle Viray bilang New Character, Johnrick Noynay bilang Dex, James Lanante bilang Sid, Camille Fabian bilang Chloe, Francheska Andaya bilang Achi, Cb Lagapa bilang Achi/Chloe, at sina Ada Tayao at Zoe Damag bilang Joker.
Samantala, sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang PETA ARTSZone ng isang tatlong-taong inisyatiba, na sinusuportahan ng Terre des Hommes Germany at Dachser, na tinatawag na “ARTSZone: Reclaiming Democratic Spaces for Children through Global Citizenship Education.” Layunin ng proyektong ito na mapalakas ang pakikilahok ng mga kabataan sa mga gawaing pangkomunidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Global Citizenship Education (GCED). Sinasaklaw nito ang isang komprehensibong pamamaraan na kinabibilangan ng pananaliksik, pagbuo ng mga pang-edukasyon na module, at pagsasagawa ng mga inisyatiba at aksyon sa komunidad na pinapagana ng sining.
G ka na bang manood ng “Gen G: GG na ’To!” at maglabas ng emosyon? Tara G!
Para sa katanungan tungkol sa play o sponsorship, makipag-ugnayan kay Rona Manio sa 0995-270-5916 o sa ronaleenjezca.ml@gmail.com
(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)
