Asynchronous classes deklarado sa Maynila, Malabon dahil sa transport strike

Dahil sa kasadong transport strike sa Metro Manila, nagdeklara si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ng asynchronous classes sa lahat ng antas ng mga pampublikong paaralan sa Maynila mula sa Marso 6 hanggang Marso 11, 2023.

Ang asynchronous classes ay sa pamamagitan ng paggamit ng Internet o ang tinatawag na online learning na ginagawa sa iba’t ibang oras.

Kaugnay nito, hinihikayat din ng alkalde ang mga pribadong paaralan na magkaroon muna ng online na pagtuturo.

Magkakaroon din ng deployment ng mga sasakyan ang Manila Police District, Manila Traffic and Parking Bureau, at Manila Disaster Risk Reduction & Management Office na sasaklolo sa mga mahihirapang sumakay o aabuting stranded sa gaganaping isang linggong transport strike.

Samantala, nag-utos na rin si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod na magsagawa na rin ng online o modular mode of classes dahil pa rin sa nasabing strike.