April 26 deadline sa SIM card registration iginiit

Walang extension na mangaganap sa deadline ng pagrerehistro ng subscriber identity module (SIM) card. Ito ang mahigpit na bilin ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Mananatili ang deadline ng rehistrasyon sa Abril 26, 2023.

Ang DICT ay nakapagtala na ng 54,700,899 o 32.37 % ng 168,977,773 subscribers ang nakarehistro ng kanilang mga SIM card, as of March 30.

Naitalang may rehistradong SIM na 4,170,923 sa Dito network; 22,683,410 sa Globe; habang 27,846,566 sa Smart.

Ang lahat ng existing SIM subscribers ay maaaring irehistro sa database platform o website ng telecommunications company.

Anong mangyayari kapag hindi naparehistro ang SIM card?

Ang mga SIM card na hindi mairerehistro ay awtomatikong made-deactivate ang kanilang mga mobile number at maaari lamang i-reactivate kapag nag-sign up sa kanilang telco provider. Nangangahulugan ito na hindi mo magagamit ang features na konektado sa iyong numero ng telepono – tulad ng GCash sa Globe, at iba pang serbisyo mula sa apps partikular ang paghingi o require ng two-step verification gamit ang iyong numero.

Kailan naging batas ang pagparerehistro ng SIM cards?

Oktubre 10 ng nakaraang taon nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang SIM Card Registration Act o Republic Act No. 11934.

Ang mga implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas ay inilabas ng National Telecommunications Commission noong Disyembre 12, 2022.

Sa paglabas ng IRR, ang batas ay nagkabisa nang ganap 15 araw matapos itong nailathala o noong Disyembre 27, 2022.