Ano’ng remedyo sa eczema?

Ang medikal na kondisyon na eczema. (lombardismith.com)

Ang atopic dermatatis o mas kilala bilang eczema ay isang autoimmune condition, kondisyon ito ng balat na kung saan mayroong mga pantal-pantal na namamaga, nangangati, magaspang o ‘di kaya’y nagsusugat.

Ang eczema ay hango sa salitang Griyego na “ékzema” o pagkasira.

Mga iba’t ibang uri ng eczema

  • Atopic dermatitis – Pagkakaroon ng pagbabago sa kulay ng balat at pangangati.
  • Contact dematatis – Rashes sa katawan na lumalabas kapag nagkaroon ng contact sa bagay o pagkain na nakapagpapa-trigger dito.
  • Dyshidrotic eczema – Pagkakaroon ng makati at sugat-sugat na balat.
  • Nuerodermatitis – Pagkakaroon ng isa o dalawang pantal sa katawan, madalas sa kamay, braso o siko na habang kinakamot ay mas lalong kumakati.
  • Nummular eczema – Bilog at mala-baryang pantal sa balat na minsan ay mayroong tubig.
  • Seborrheic dermatitis – Mamula-mulang kamot, butlig sa balat.

Ano-ano ang mga sintomas ng eczema?

Ang eczema ay puwedeng tumubo sa kahit anomang parte ng katawan. Maaaring sa dibdib, likod, mga kamay o paa. Wala ring pinipiling edad ang eczema dahil maaaring magkaroon ng ganito bata man o nasa edad na. Madalas lamang makita ang sintomas kung ang isang tao ay may eczema kapag nasa limang taong gulang na. Ang mga madalas na sintomas ng eczema ay ang mga sumusunod:

  • Pangangati ng balat
  • Pantal na namamaga
  • Tuyo na may bitak-bitak sa balat
  • Pangingitim ng balat sapaligid ng mata

Paano o bakit ba nagkakaroon ng eczema?

Maaari itong manggaling sa dalawang kadahilanan. Ang una ay sa gene variation na kung saan hindi nakapagbibigay ng sapat na proteksyon sa balat na siyang dahilan ng kakulangan ng moisture nito na nauuwi sa eczema. Pangalawa ay ang pagkakaroon ng sobrang bacteria na staphylococcus aureus na siyang humaharang sa ibang mga bacteria na nakatutulong upang palakasin ang barrier ng balat.

Ang kahinaan ng immune system ay isa ring salik o factor kung bakit kinakapitan ng eczema.

Ano-ano ang mga nakapagti-trigger sa eczema?

  • Magaspang na tela
  • Dry na balat
  • Skin infections
  • Init at pawis
  • Stress
  • Mga kagamitang panlinis (sabong panlaba atbp.)
  • Dust mites
  • Pollen
  • Usok ng sigarilyo
  • Mga pampabango
  • Irritating chemicals

Ano-ano ang  home remedies para sa eczema?

Bagama’t hindi nakahahawa ang eczema, ito pa rin ay hindi kinakailangang ipagsawalang-bahala. Kung hindi naman naapektuhan ang pang-araw-araw na gawain o hindi kaya’y wala naman itong mas matinding epekto, maaaring gawin ang home remedies na ito:

  • Gumamit ng moisturizer isa o dalawang beses sa isang araw
  • Ugaliin ang pagligo araw-araw
  • Gumamit ng sabon na walang alcohol at scent
  • Patuyuing maigi ang balat sa pamamagitan ng pagdampi-dampi ng malambot na tuwalya.

Ano-ano ang mga ibang sakit na maaaring makuha kapag mayroong eczema?

Dahil ang eczema ay hindi naman dapat katakutan at hindi naman nakamamatay na sakit, mayroon pa ring dulot ito na ibang mga mas seryosong sakit tulad ng:

  • Asthma
  • Allergies sa pagkain
  • Neurodermatitis (habang kinakamot ay mas lalong nangangati)
  • Impeksyon sa balat
  • Problema sa pagtulog
  • Mental health condition

Kailan dapat komunsulta sa doktor?

Kung ang eczema ay nakaaapekto na sa pang araw-araw na gawain, kung nagsimula nang magkaroon ng mas seryosong nararamdaman na dulot ng eczema at kung ang home remedies ay hindi na nakatutulong.