Ang Pilipinas sa kasaysayan ng Miss Universe

Miss Universe exclusive report

Ang Filipina-Italian beauty na si Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi (Kuha mula sa Miss Universe Philippines)

Ilang araw mula ngayon ay pipiliin na ang 71st Miss Universe na gaganapin sa January 16, live mula sa New Orleans, USA.

Umaasa ang maraming pageant fans na maiuuwi ng pambato natin na si Celeste Cortesi ang ikalimang Miss Universe title para sa Pilipinas.

Isang mahaba at makulay na kuwento ang paglahok ng bansa sa prestihiyosong beauty contest na ito. Ating muling balikan ang kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa mga nagdaang Miss Universe sa comprehensive at extensive feature report na ito (ang ibang mga larawan ay galing sa koleksyon at Pageant Throwback Philippines Facebook page ng awtor).

1952 – Ang simula

Ang Pilipinas ay isa sa orihinal na “pioneer country participants” ng unang Miss Universe pageant na ginanap noong Hunyo 1952. In-organize ito noon bilang global product promotion ng Catalina swimsuit na major sponsor ng Miss America noon.

Nag-pull-out ang nasabing major sponsor sa Miss America, resulta ng pagtanggi ng huli na kunan ng retrato suot ang Catalina swimsuit. Nagtayo sila ng sariling bathing beauty contest na lalahukan ng mga dilag mula sa iba’t ibang bansa para sa titulong Miss United Nations. Kalaunang itong naging Miss Universe nang unang ganapin sa Long Beach, California.

Si Armi Kuusela ng Finland ang unang itinanghal na Miss Universe. Ang kinatawan ng Pilipinas noong panahong ‘yon ay si Teresita Sanchez.

Si Armi ay bumisita sa Pilipinas noong 1953 at nabighani ng isang mayamang binatang Pilipino na si Virgilo Hilario. Agad silang naging magkasintahan at ikinasal sa Tokyo, Japan. Nanirahan na mula noon si Armi sa bansa at naging mahusay sa pagsasalita ng Filipino.

Ang mga Pinay na ipinadadala noon sa Miss Universe ay mula sa mga local contest na organized ng mga socio-civic organization. Isa sa reyna noon ay si Bessie Ocampo (1954) na siyang kauna-unahang Pinay na pumasok sa semifinals sa Long Beach, California.

Si Yvoone de los Reyes (1955) ay may kapatid ding sumali sa Miss Universe (1970) na si Simmonette. Sila ang tanging beauty queen sister tandem sa pageant.

1960s – Lalaine Bennett at Bb. Pilipinas

Apat na sunod na taon mula 1958-1961 na walang naipadalang Pinay sa Miss Universe. Ito ay dahil sina Chuchay Tuazon (1958) at Cristina Matias (1959) ay hindi pinayagan ng kanilang mga konserbatibong pamilya na magsuot ng swimsuit. Samantalang si Edita Vital ay ipinadala sa Miss International sa halip na sa Miss Universe noong 1960.

Naging historical din nang si Lalaine Bennett ay tanghaling 3rd r-up sa Miami, Beach noong 1963.

Noong 1964, nakuha ng Araneta Group ang lisensya ng Miss Universe para sa Pilipinas at binuo ang Binibining Pilipinas Charities, Inc. o BPCI na siyang nangasiwa sa pagpapadala ng local delegates.

Si Gloria Aspillera Diaz (kaliwa) habang kinokoronahan bilang Binibining Pilipinas 1968. Nang sumunod na taon siya ang nagwagi bilang Miss Universe.

Si Myrna Panlilio ng Pampanga ang nahirang bilang kauna-unahang Bb. Pilipinas noong 1964. Samantala, noong 1968 ang pamamahala ng BPCI ay iniatang kay Stella Marquez Araneta, dating Miss International.

Makalipas ang isang taon, si Gloria Diaz ang nanalong Miss Universe. Ang kanyang pagkapanalo ay nasabay sa moon landing kung kaya’t  naging sikat ang “A man landed on the moon while a Filipina conquered the Universe” na kasabihan para i-describe ang makasaysayang event ng taong ‘yon.

1970s – Margie Moran, unang hosting ng Pilipinas, at Chiqui Brosas

Sa pagkakapanalo ni Diaz, unti-unting napansin ang ganda ng Filipina sa international pageant kung saan itinanghal na Most Photogenic si Vida Doria noong 1971. Sinundan ito ng semifinal placement ni Amri Barbara Crespo noong 1972. Ikalawang makamit natin ang Miss Universe title sa pagkakahirang kay Margarita “Margie” Moran nang sumunod na taon.

Si Maria Margarita Moran bilang Miss Universe noong 1973.

Nagbunyi ang sambayanan sa victory ni Margie at naging susi ito upang maging host ang Pilipinas ng Miss Universe noong 1974. Isang magarbo at makulay na preparasyon ang inihanda ng noo’y First Lady Imelda Marcos na ipinatayo ang Folk Arts Theater o FAT bilang venue ng pageant.

Nagtuloy-tuloy pa ang winning streak ng Pilipinas hanggang 1975 nang manalong 4th r-up si Chiqui Brosas.

1980s – Chat Silayan, Desree Verdadero, at Pebbles Asis

Nagsimula ring maganda ang dekada 80 nang si Chat Silayan ay hiranging bilang 3rd r-up. Hindi malilimutan ang kanyang suot na sequined aqua blue serpentina gown na obra maestra ni Mama Renee Salud. Ito’y muling naulit noong 1984 nang si Desiree Verdadero ay rumampa sa kaniyang flowy tropical inspired gown performance. Itinanghal din siyang 3rd r-up dito.

Isa rin si Geraldine Pebbles Asis sa hindi malilimutang Miss U delegate dahil naging instant top favorite siya noong 1987 ngunit laking hinayang ng fans nang magtapos siyang 6th place.

1990s – Taller, beautiful binibinis

Matatangkad at magagandang modelo naman ang ipinadala ng Pilipinas noong dekada 90. Ang ilan sa mga ito ay sina Gem Padilla (1990), Alou Gonzales, Dindi Gallardo (1993), Joanne Santos (1995) at Abbygale Arenas (1997).

Si Charlene Gonzales ang pinakasikat dahil bukod sa Best National Costume at ilang corporate awards, nagtapos din siyang Top 6 finalist noong 1994. Si Miss India Sushmita Sen ang nanalo rito.

Sa dalawang magkasunod na taon, sina Aileen Damiles (1996) at Arenas ang itinanghal na Miss Photogenic. Pero naging sobrang panghihinayang ng fans nang magtapos sa 11th overall ranking si Arenas na may 1-point na kakulangan para makapasok sa top 10 semifinals.

Noong 1998 at 1999, ang original Bb. Pilipinas Universe ay napalitan dahil sa isyu ng technicalities. Ito ay naging blessing in disguise naman kay Miriam Quiambao na naunang koronahang Bb. Pilipinas World at agad na ipinalit at ipinag-pageant training sa Venezuela bago sumabak sa Miss Universe 1999 sa Trinidad & Tobago. Nagbunga ang kaniyang training at itinanghal siyang 1st r-up. Dito ay muntik na nating makuha ang pinakahihintay na pangatlong Miss Universe title kung hindi lang naging mahina ang kaniyang pagsagot sa Final Q&N ng pageant.

2000s – Drought years, photogenic ladies

Sa pagkapanalo ni Quiambao, napakataas ng expectation sa mga sumunod na Pinay delegates. Ngunit naging mailap ang tagumpay kahit pa magaganda at magagaling ang  ipinadala tulad nina Nina Ricci Alagao, Zorayda Ruth Andam, Karen Agustin at Maricar Balagtas.

Sayang dahil buong 10 taon tayong umasa. Tanging tatlong magkakasunod na Most Photogenic Awards nina Gionna Cabrera (2005), Lia Andrea Ramos (2006) at Teresa Licaros (2007) ang ating naiuwi mula sa contest. Dahil dito, biglang nanamlay ang pagsunod ng  fans sa pageant.

Si Pia Alonzo Wurtzbach bilang Miss Universe 2015 habang katabi si Stella Márquez-Araneta, founder ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (Kuha ng Miss Universe Organization)

2010 – Major Major victories

Simula ng magandang kapalaran ang 2010 sa pagiging 4th r-up ni Maria Venus Raj. Muling napansin ang ganda ng ating mga binibini dahil kina Shamcey Supsup na 3rd r-up (2011), Janine Tugonon 1st r-up (2012) at Ariella Arida na 3rd r-up (2013).

Tinapos naman ni Pia Wurtzbach ang 42 taong paghihintay nang makuha niya ang ikatlong korona sa kabila ng magulo at nakalilitong announcement of winners na naging kontrobersyal sa buong mundo. Tulad ng victory ni Margie, ang pagkapanalo din ni Pia ay naging susi para mag-host muli ang Pilipinas ng Miss Universe. At sa kabila ng matinding pressure patuloy pa ring nagbigay karangalan si Maxine Medina na nagtapos na top five finalist noong 2016, sumunod si Rachel Peters na napabilang sa top 10 nang sumunod na taon.

Si Catriona Gray bilang Miss Universe 2018.

2018 – Catriona, end of Bb. Pilipinas Era

Una pa lamang sabak ni Catriona Gray sa national pageant ng Miss World Philippines noong 2016 ay nakita ng fans na puwede itong maging international winner. Ngunit laking gulat ng sambayanan nang mabigo itong manalong Miss World. Sumali muli siya sa isang local pageant na Bb. Pilipinas noong 2018 at naging madali sa kanya ang pagkuha ng Miss Universe Philippines title na naging daan para hiranging Miss Universe 2018.

Ang tagumpay ni Gray ay nalambungan ng lungkot at agam-agam nang mabalitaang wala na sa Bb. Pilipinas ang pamamahala ng pagpili ng Pinay Miss U delegates. Gayunpaman, malugod pa ring sinuportahan si Gazinni Gandos, ang kanyag kahalili na pumasok sa semifinals.

2020 – New era of Miss Universe Philippines

Isang bago at agresibong pageant organization ang pumalit sa Bb. Pilipinas bilang local franchise holder. Ngunit ang excitement at momentum ay biglang naudlot sa pagdating ng COVID-19 pandemic. Gayunpaman, naituloy din ito at napili si Rabiya Mateo bilang Miss Universe Philippines. Sobrang na-pressure rin siya at hindi naka-advance mula sa pagiging top 20 semifinalist. Samantala, noong 2021 naging top five placer si Beatrice Luigi Gomez.

Sa kabuuan ng ating pitong dekadang partisipasyon, apat na Miss Universe titleholders, dalawang 1st r-up, apat na 3rd r-up at dalawang 4th r-up ang ating napanalunan upang ma-secure ang ating 4th over-all ranking. Ito ay pagkatapos ng Venezuela, USA at Puerto Rico, ngunit Pilipinas pa rin ang nangungunang pageant power house sa buong Asya.

Ang Filipina-Italian beauty na si Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi. (Kuha mula sa Miss Universe Philippines)

Sa pagkakataong ito, si Celeste na kaya ang ating panlimang reyna? Tulad ng marami sa ating mga kababayan ay patuloy pa rin tayong nagdarasal at umaasa para sa korona mula sa Miss Universe.

Mula sa BiLiBB, mabuhay ang Gandang Pilipina!

Philippine delegates to Miss Universe 1952-2022

1952 – Teresita Sanchez
1953 – Cristina Pacheco
1954 – Bessie Ocampo, semifinalist
1955 – Yvonne de los Reyes
1956 – Isabel Rodriguez
1957 – Mary Ann Corrales
1958 – 1961 – No Delegates
1962 – Josephine Estrada
1963 – Lalaine Bennett, 3rd Runner-up
1964 – Myrna Panlilio
1965 – Louis Vail Aurelio, semifinalist
1966 – Ma. Clarinda Soriano, semifinalist
1967 – Pilar Pilapil
1968 – Charina Zaragoza
1969 – Gloria Diaz – Miss Universe 1969
1970 – Simonette delos Reyes
1971 – Vida Valentina Fernandez Doria, Miss Photogenic
1972 – Armi Barbara Crespo, Top 12 semifinalist
1973 – Maria Margarita Roxas Moran, Miss Universe and Miss Photogenic
1974 – Guadalupe  Sanchez, Top 12 semifinalist
1975 – Rose Marie Singson Brosas, 4th Runner-up
1976 – Elizabeth de Padua
1977 – Anna Lorraine Kier
1978 – Jennifer Cortez
1979 – Criselda “Dang” Flores Cecilio
1980 – Maria Rosario Silayan, 3rd Runner-up
1981 – Maricar Mendoza
1982 – Maria Isabel Lopez
1983 –Rosita Capuyon
1984 – Maria Desiree Verdadero, 3rd Runner Up
1985 – Joyce Ann  Burton
1986 – Violeta Naluz
1987 – Geraldine Asis, Top 10 semifinalist
1988 – Perfida Limpin
1989 – Sara Jane Davis Paez
1990 – Germelina Padilla
1991 – Maria Lourdes Gonzales
1992 – Elizabeth Berroya
1993 – Melinda Joanna Gallardo
1994 – Charlene Gonzales, Top 6 Finalist and Best in National Costume
1995 – Joanne Zapanta Santos
1996 – Aileen Damiles, Miss Photogenic
1997 – Abbygale Williamson Arenas, Miss Photogenic
1998 – Jewel May Lobaton
1999 – Miriam Quiambao,1st Runner-up and Clairol Herbal Essence Style Award
2000 – Nina Ricci Alagao
2001 – Zorayda Ruth Andam
2002 – Karen Loren Agustin
2003 – Carla Gay  Balingit
2004 – Maricar Balagtas
2005 – Gionna  Cabrera, Miss Photogenic and Thai Airways Silk Award
2006 – Lia Andrea Aquino Ramos, Miss Photogenic
2007 – Anna Theresa Luy Licaros,  Miss Photogenic
2008 – Jennifer Barrientos
2009 – Pamela Bianca Manalo
2010 – Maria Venus Raj, 4th Runner-Up
2011 – Shamcey Supsup, 3rd Runner-Up
2012 – Janine Marie Tugonon, 1st Runner-Up
2013 – Ariella Arida, 3rd Runner-Up
2014 – Mary Jean Lastimosa, Top 10 finalist
2015 – Pia Alonzo Wurtzbach, Miss Universe
2018 – Maxine Medina, Top five finalist
2017 – Rachel Peters, Top 10 semifinalist
2018 – Catriona Gray, Miss Universe
2019 – Gazinni Ganados, Top 20 semifinalist
2020 – Rabiya Mateo, Top 20 semifinalist
2021 – Beatrice Luigi Gomez, top Five finalist
2022 – Celeste Cortesi, to be announced