Amare by Chef Chris, ang prime steak destination sa Norte

Ang masarap na Amare’s Rump Steak ng Amare by Chef Chris. (Kuha ng Bilibb)

Nasa norte raw ang prime steak destination kaya saktong naroon kami noon at inalam namin ito kung totoo.

Kung trip ninyo ang best steak ay dapat ninyong dayuhin ang Clark Pampanga.

Kamakailan, kasabay ng pagsadya namin sa kick-off ng 3-day event ng Department of Tourism para sa kanilang 1st North Luzon Travel Fair sa SMX Convention ay dumayo rin kami sa isang kilalang restaurant dito, ang Amare by Chef Chris.

Ang Amare by Chef Chris na Italian-Mediterranean restaurant ay matatagpuan sa Royce Hotel and Casino.

Sa naturang restaurant ay naririto ang classic at authentic Italian cuisines.

Ang Amare by Chef Chris na matatagpuan sa Royce Hotel and Casino sa Clark, Pampanga. (Kuha mula sa Amare by Chef Chris Facebook page)

Sa aming personal judgment sa puwesto nila, given nang magandang ambience ang kanilang restau dahil ang Royce Hotel and Casino ay isa sa top entertainment destinations sa Central Luzon, pero mas mahahatulan ninyo talaga ang kanilang mga pagkain.

Isang mahabang lamesa ang inihanda sa amin ng Amare by Chef Chris kaya mas naging interesante ito dahil sunod-sunod na ang paglalabas nila noon sa amin ng mga pagkain.

Isang malaking karangalan na si Chef Kristine Lou Baltazar ng Amare by Chef Chris ang nagsisilbi para sa aming masarap na pananghalian. (Kuha ng Bilibb)

At home sa sarap ang mga hinandang putahe ni Chef Kristine Lou Baltazar sa amin na sinamahan pa ng red wine, iba’t ibang fruit juices at masarap na kuwentuhan.

Accommodating din ang staff sa restau na ito kaya naobserbahan din namin na kahit ang ibang grupo ng customers sa ibang mga lamesa ay na-appreciate nila ang Amare in general.

Tunay naman na tangan ng Amare by Chef Chris ang finest at juiciest steak sa inihanda nilang Amare’s Rump Steak na may horse radish potato, leeks sauteed rapini, homemade mushroom gravy at fried onion. Sa bawat kagat sa steak, ramdam na ramdam ninyo ang excitement habang inihahanda nila ang mga ito bago pa ihatid sa food lovers tulad namin. Hindi kayo bibiguin ng lasa nito.

Nagtitinginan na lamang kami nang nakangiti dahil malasang-malasa at tamang-tama ang inihanda sa aming medium rare na uri nito. Hindi ako masyado sa ganitong uri, pero sadyang juicy, beef-forward flavor ang nalasahan ko. Perfect ang amount of tender chewiness nito.

Ang signature invention na Rolliza Amare na isang rectangular pizza ng Amare by Chef Chris. (Kuha mula sa Amare by Chef Chris Facebook page)

Panalo rin ang lasa ng kanilang signature invention na Rolliza Amare na mayroong prosciutto de parma, sun dried figs, sundried tomato at gogonzola cheese. Panizza rin ito kung tawagin na rectangular pizza.

Hindi ninyo rin babalewalain ang kanilang Spaghetti Therese, simple pero eleganteng-elegante ang lasa. Kung hindi kayo masaya sa red meat ang halo, ito ang best option ninyo para sa pasta. Nabitin kami sa sarap!

Ang espesyal na Spaghetti Therese ng Amare by Chef Chris. (Kuha ng Bilibb)

Maliban sa mga nabanggit, pasok din sa panlasa ng maseselan ang inihanda sa aming Rolliza Verena, Artichoke Milanese, Cozza Venitia, Spaghetti with Meatballs, Risotto Kristine, Whole Rosemary Chicken, Grilled Homemade Sausages, Angus Prime-Rib at ang heaven din sa sarap na Tiramisu.

Ang Tiramisu ng Amare by Chef Chris. (Kuha ng Bilibb)

Sulit ang dayo namin sa Amare by Chef Chris… Long table na hitik sa mga pagkain, mahaba ang sarap at mahaba ang satisfaction. Ang haba ng busog na well served ng restaurant na ito.

Istorya ng Amare by Chef Chris

Ang Amare by Chef Chris ay inumpisahan ni Chef Chris Locher.

Ipinanganak si Chef Chris sa Switzerland, may dugong Italian habang ang puso niya ay talagang nahaluan ng kulturang Pinoy. Sa mahigit 20 taon na inilagi niya sa Pinas ay tinangkilik ng ating mga kababayan ang kanyang mga obra sa kusina.

Si Chef Chris Locher at ang kanilang signature invention na Rolliza Amare. (Kuha mula sa Chris Locher Facebook page)

Sa kuwento, unang ipinamalas ni Chef Chris Locher ang hindi matatawarang sarap ng kanyang mga lutuin sa popular na C’ Italian Dining na nasa Angeles, Pampanga. Sunod ay dinala pa niya ang kanyang mga putahe sa My Kitchen by Chef Chris sa The Oasis Paco Park Hotel sa Paco, Maynila.

Sa mga lutuin ni Chef Chris ay lumabas ang kanyang inspirasyon mula sa kanyang Italian na lola na lalo pang pinasarap – sangkap talaga ng family-style.

Nawala man si Chef Chris ay palaging nakahalo ang kanyang masarap, malasang dedication at passion sa mga pagkaing inihahanda sa mga tao. Ito ngayon ang iniingatan at patuloy pa ring inihahanda sa customers ni Chef Kristine Lou Baltazar, ang butihing maybahay ni Chef Chris.

Dayong Amare by Chef Chris

Maaaring hindi kayo maniwala sa sarili naming review. Kailangang dayuhin ninyo ang Amare by Chef Chris baka sakali ay mas madagdagan pa ninyo ang aming positive reviews sa restaurant na ito. Sulit na sulit sa lasa at sa presyo.

Ang pagdayo sa Clark, Pampanga ay hindi na mahirap ngayon. Kung nasa Maynila kayo, may P2P buses sa Trinoma sa Quezon City o mula sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City na maghahatid sa inyo hanggang sa hapag ng Amare by Chef Chris.

Dahil malapit na ang Disyembre, inaabangan na rin ang Clark Steak Festivals na magbibigay kinang din sa ating turismo sa Disyembre 10-11, 2022. Huwag ninyong kalimutang dumayo sa Amare by Chef Chris.

Sa imbitasyon ng Clark Freeport sa pamamagitan nina Eric Jimenez, Communications Division Manager at Ellen Lorenzo, Tourism Promotions Division Asst. Manager ay muli kaming lalapag sa Clark at ihahatid muli sa inyo ang mga kuwento ng ipinagmamalaki nilang turismo mula sa mga puntahan at kainan.

Ang Spaghetti with Meatballs ng Amare by Chef Chris. (Kuha ng Bilibb)