Altapresyon posible sa mga bata

Sa nagbabagong panahon at pamumuhay ng tao, apektado maging ang kalusugan ng mga bata. Ang bagay na ito ay binigyan-pansin ng Philippine Heart Association (PHA) na masigasig sa pagbibigay kaalaman sa publiko.

Ginanap noong Mayo 2 via Zoom, iba’t ibang makabuluhang talakayan hinggil sa kalusugan ng mga bata ang sumentro sa temang “My Heart-Health, My Right.” Ito ay bahagi ng programang Usapang Puso sa Puso ng PHA kung saan naging host dito si Dr. Louella Santos, PHA director III/Advocacy Committee chair.

Ang tema ay konektado sa international calendar na may mga aktibidad tuwing Mayo na may kinalaman sa puso kabilang ang Chikiting Ligtas Month, Hypertension Awareness Month, at iba pa.

Kasama sa usapin, isinusulong ng PHA ang “52100 Lifestyle, Diet and Modification” para sa mga bata upang maging malusog ang kanilang mga puso at maging malayo sa sakit.

Ang kaugaliang ‘52100 Lifestyle, Diet and Modification” na nais ng Philippine Heart Association na dapat sundin ng mga magulang para sa kanilang mga anak para maging malusog ang mga ito.

Naging panelists dito ang experts at pediatric cardiologists na sina Dr. Aurora Muriel Gamponia, Dr. Sheldon Paragas, at Dr. Lottie Uy.

Halaga ng pagkakaroon ng maayos na kalusugan ng mga bata

Pinaplano pa lamang ng mga magulang na magkaanak, dapat ay masiguro nang maayos ang magiging kondisyon ng kalusugan ng bata.

Payo ni Dr. Gamponia, ang magandang kalusugan ng mga bata ay dapat nasisimulan din sa bahay sa maayos na gabay ng mga magulang o guardian. Ito ay upang masanay ang mga bata sa tamang pagkain at estilo ng pamumuhay.

Gayundin, sinisimulan ang maayos na kalusugan ng mga bata sa pagpaplano ng mga magulang bago pa ang pagbubuntis dito. Mahalaga na maging maingat din ang mga ina habang nagbubuntis, walang bisyo lalo na sa kanyang mga kinakain dahil may malaking epekto ito sa mga bata.

Sa pagkasilang ng mga bata, dapat ding ikonsulta ang mga ito sa pediatric cardiologists maliban sa pediatricians. Kailangan magkaroon sila ng sapat na bakuna laban sa mga sakit.

Sa isinagawang Usapang Puso sa Puso na programa ng Philippine Heart Association (PHA) noong Mayo 2, 2024, naging host dito si (mula sa kaliwa, taas) Dr. Dr. Louella Santos, PHA director III/Advocacy Committee chair. Naging panelists dito ang pediatric cardiologists na sina Dr. Aurora Muriel Gamponia, Dr. Sheldon Paragas, at Dr. Lottie Uy, habang si Ms. Gynna Gagelonia ang PHA Communications Manager. Philippine Heart Association

 

Gabay sa malusog na sanggol at habang lumalaki ito

  1. Piliin ang masusustansyang pagkain para sa mga nanay na bagong panganak

– Piliin ang human breastmilk lalo na sa unang anim na buwan dahil sa may sapat ito sa nutrisyon. May immune factors ito para sa paglaki ng mga bata at magkaroon sila ng proteksyon.

– Habang lumalaki ang mga bata ay dapat nae-expose sila sa pagkain ng mga prutas at gulay. Dapat na maiwasan ang maaalat, mamantika, at matatamis na pagkain at inumin.

  1. Magkaroon ng tamang lifestyle

– Kailangang may sapat na tulog ang mga bata.

– Magkaroon ng aktibong laro, sports activities kung saan bahagi ito ng ehersisyo.

– Iwasan ang gadgets, huwag itong gawing pacifier para manahimik ang bata.

– Iwasan ang paninigarilyo at huwag itong ipakita sa bata upang hindi gayahin at hindi malanghap ang amoy.

– Iwasan ang mga nakalalasing na inumin

  1. Magkaroon ng health checkups sa mga dentist at espesyalista

– Magkaroon ng tamang mga bakuna at sundin ang schedule, at magkaroon ng health screening.

Sa tala ng UNICEF o United Nations Children’s Fund, 67 milyon sa buong mundo ang hindi nabigyan ng bakuna dahil sa COVID-19 pandemic. Noong huling bahagi ng 2019 at 2021, nakatala ang Pilipinas na may pinakamataas na bilang ng mga bata walang bakuna – zero dosage –  sa silangang Asya at ikaapat sa mundo. Ito ang panahon na takot ang taong lumabas dahil sa pandemya.

Ayon sa mga doktor, may viruses na puwedeng maiwasan dahil kung hindi maaagapan ay puwedeng makamatay. Ang viruses ay may dalang mga sakit na maaaring makaapekto sa puso ng mga bata tulad tigdas (measles), at tigdas hangin (German measles) na sanhi ng rubella.

 

Hypertension posible sa mga bata

Ang altapresyon o hypertension ay maaari ring danasin ng mga bata.

 

 

Ang mataas na presyon ng dugo sa mga artery o ugat na nagsusuplay sa mga tisyu ng katawan ng dugo mula sa puso ay kilala bilang systemic hypertension. Ito ay maaaring mangyari sa mga bata.

Ang Primary Hypertension o Essential Hypertension ay kapag ang presyon ng dugo ay abnormal na mataas ngunit hindi sanhi ng isang medikal na karamdaman.

Ang Secondary Hypertension ay tumutukoy sa elevated blood pressure at may sanhi kung bakit mayroon nito.

Kapag ganito ang nagiging sitwasyon, kinakailangan ng agarang pagpapakonsulta sa doktor.

 

Paano nasusuri ang pediatric hypertension?

Kadalasang walang sintomas ang hypertension pero minsan ito ay sa pamamagitan ng:

* Pagtatanong kung nakaranas ng

– Pananakit ng ulo

– Pagkahilo

– Seizure

– Panlalabo ng paningin

– Pagduduwal o pagsusuka

– Palpitation

– Pagdurugo ng ilong

– Pananakit ng dibdib

* Masusing pagsusuri nang pisikal

* Laboratory exam

Tandaan, tulad ng sa matatanda, ang mga batang may altapresyon na hindi binigyan ng tamang atensyon ay maaapektuhan nito ang iba’t ibang organs ng katawan tulad ng utak, bato, mata, puso at iba pa.

Ayon kay Dr. Uy, ang congenital heart disease ay defect na nangyayari kapag ang baby ay nasa loob ng nanay habang nagbubuntis kaya paglabas ay may problema na sa puso ang bata. Ang rheumatic heart disease naman ay acquired heart disease na kadalasan ay secondary sa streptococcal infections sa lalamunan o balat.

Paano nagsisimula ang rheumatic fever o rheumatic heart disease?

Nagsisimula ang rayuma sa puso rheumatic fever o rheumatic heart disease kapag ang tao ay genetically susceptible o sensitibo sa certain bacteria gaya ng streptococcus. Hindi lahat ng nagkakaroon ng tonsilitis o sore throat ay magkakaroon na ng rheumatic fever at eventually ay rheumatic heart disease. Hindi masasabi kung sino sa mga bata ang puwedeng tamaan ng rheumatic heart disease.

Kapag hindi nagamot nang mabuti ang streptococcal pharyngitis o sore throat, ito ay posibleng magdulot ng rheumatic fever.

Paliwanag ni Dr. Paragas, kapag ang bata ay nagkaroon ng tonsilitis, ang karaniwang sanhi nito ay viruses. Dapat na maikonsulta ito sa doktor para malaman kung anong virus o bacteria ito. Ito ay para maiwasan din ang paggamit ng antibiotic hanggang maaari o hindi sosobra rito. Kapag posibleng bacterial infection ang nasuri, dapat malaman kung ito ay streptococcal at kung oo ay dapat itong malunasan agad.

“Kapag streptococcal ang cause ng tonsilitis, hindi lamang dapat 7 days (ang gamutan). It should be eradicated, dapat ay 10 days. And then, hindi lahat ay nagkakaroon ng tonsilitis, streptococcal. Magkakaroon ng rheumatic fever ngunit kung sa kasamaang-palad nagkaroon ng sintomas na rheumatic fever, ibig sabihin mabilis ang tibok ng puso, may abnormally heart sound, masakit ang kasukasuan, o nagkakaroon ng rashes. These should be address properly and treated properly with antibiotic to eradicate streptococcus as well as anti-inflammatory agent,” paliwanag pa ni Dr. Paragas.

Ang rheumatic fever at rheumatic heart disease ay naiiwasan pero kapag napabayaan ay posibleng makamatay. Kapag may pagpapabaya sa pagtanda ng bata ay maaari silang maoperahan, magkaroon ng heart failure.